MALAKI ang tiyansa na maaprubahan rin sa Filipinas ang paggamit ng saliva test para sa mas mura at mas mabilis na pagtukoy ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, isinasailalim lang nila ito sa ngayon sa balidasyon upang matiyak na ang re-sulta ng naturang pagsusuri ay accurate at mayroong mataas na concordance rate o agreement sa swab test na siyang ginagamit nga-yon sa bansa.
“The chances are big. It’s just undergoing validation. We just want to ascertain that the results are accurate and really with very high concordance rate or agreement with the swab way of collecting the specimen for our RT-PCR testing,” pahayag pa ng kalihim, sa panayam sa telebisyon.
Nauna rito, sinabi ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman and CEO, Senator Richard Gordon na natatagalan ang pamahalaan sa pag-apruba sa saliva test na nais sana aniya nilang gamitin sa pagsusuri ng COVID-19 dahil mas mura at mas accurate ito.
Ayon kay Gordon, sa sandaling magbigay na ng go signal ang pamahalaan ay maaari na nila itong gamitin at ialok sa publiko sa loob lamang ng isa o dalawang linggo.
“Kung mabigyan kami ng formal agreement siguro in about one week or two weeks tapos ‘yan, gawa na kaagad ‘yan, aandar na ‘yan. Uunahin natin ang Metro Manila,” aniya pa.
Nabatid na posibleng abutin lamang ng hanggang P2,000 o mas mababa pa ang halaga ng saliva test at mas mabilis ring makuha ang resulta nito, na maaaring abutin lamang ng tatlong oras.
Sang-ayon naman si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ito sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.