Sa pangunguna ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino, isinagawa ang “Bida sa Kapaskuhan: Salo-Salo ng Pamilyang OFW” nitong Nobyembre 24, 2024, sa Ninoy Aquino Stadium. Ito ay isang espesyal na pagdiriwang na nagbigay-pugay sa mga talento at kontribusyon ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.
“Layunin ng pagtitipon na ito na maghatid ng liwanag at saya sa darating na Kapaskuhan sa pamamagitan ng sama-samang selebrasyon at mga makabuluhang kompetisyon. Nais naming iparamdam sa bawat OFW at kanilang pamilya na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga sakripisyo at tagumpay,” saad ni Magsino.
Ang kaganapan ay naghatid ng iba’t ibang paligsahan, kabilang ang Choral Competition na nagpakitang-gilas sa husay ng mga OFW choirs sa pag-awit ng mga tradisyonal at makabagong awitin ng Pasko.
Ang kampeon sa patimpalak na ito ay mula sa National Capital Region. Sinundan ito ng pagwawagi ng Bulacan Chaper sa Dance Competition na nagpamalas ng enerhiya at galing sa sayawan, at ang prestihiyosong Mr. and Ms. OFW Party List Ambassador, kung saan kinilala sina Aaron Dizon Ablaza bilang Mr. OFW Party List Ambassador at si Thony Ann Galicia bilang Ms. OFW Party List Ambassador. Sila ang mga natatanging indibidwal na sumisimbolo ng tapang, talento, at pagmamalasakit ng ating mga bagong bayani.
Sinabi ni Magsino ang pagbibigay ng policy insurance para sa iilang OFW beneficiaries, na layong magbigay ng seguridad at suporta sa kanilang mga pamilya.
“Ang ‘Bida sa Kapaskuhan’ ay isang pasasalamat at pag-alala sa ating mga OFW at kanilang pamilya na nagsakripisyo para sa mas magandang kinabukasan. Ang kanilang mga kuwento at tagumpay ay inspirasyon para sa ating lahat. Patuloy ang ating pagkakaisa para suportahan ang mga programa at adbokasiya ng OFW Party List na nakatuon sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating mga kababayang manggagawa sa ibang bansa at kanilang mga pamilya,” ani Magsino.
JUNEX DORONIO