HINIMOK ng isang ranking official ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga kasamahang mambabatas na kapwa nasa panig ng pabor at tutol sa panukalang gawing legal na ang diborsiyo sa bansa na ikonsidera rin ang katayuan at saloobin ng mga anak ng mag-asawang gustong maghiwalay.
Ayon kay House Assistant Majority Floorleader at ACT-CIS partylist Rep. Rowena Niña Taduran, bagaman naniniwala siyang napapanahong matalakay at mabigyan ng pansin ang ‘Divorce Bill’ na naunang inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations, umaasa siyang magkakaroon din ng boses ang mga anak sa usaping paghihiwalay ng kanilang mga magulang.
“Naka-focus lang tayo sa issue ng mag-asawa, nakakalimutan natin ang mga anak na biktima ng sitwasyon. Pakinggan natin ang kanilang opinyon sa hiwalayan ng kanilang mga magulang.” Pagbibigay-diin ng ACT-CIS partylist congresswoman
Bagaman mayroon namang probisyon sa kontrobersiyal na panukalang batas patungkol sa pangangalaga at sa usapin ng kustodiya ng anak o mga anak ng ‘divorcing parents’, iminungkahi nito na maging bahagi ng proseso sa pagdinig ng petisyon ng diborsiyo ang pagkuha sa saloobin ng mga anak sakaling ganap itong maging batas.
“The emotional and mental well-being of the children who will be affected by the separation of the parents is of primordial concern. Let them be heard. Include them in the mediation during the six month-cooling off period of the spouses,” giit pa ng house lady assistant majority floorleader.
Tahasang sinabi rin ng mambabatas, kung bibigyan ng pagkakataon ang mga anak na mapakinggan ang kanilang pananaw sa usaping paghihiwalay ng kanilang magulang, hindi malayong mabago ang isipan ng mag-asawa at magpasyang huwag na lamang ituloy ang hinihirit nilang diborsiyo. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.