BULACAN- PATAY ang isang batang babae habang sugatan ang kanyang mga magulang makaraang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa crossing ng Brgy. Sta. Clara, Sta Maria sa lalawigang ito nitong Linggo.
Sa report na tinanggap ni LtCol. Voltaire Rivera, kinilala ang nasawi na si Margaux Alyson Verana, habang sugatan ang mga magulang nito na sina Ronrick Verana at ang live-in partner na si Lalaine Llabore.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis aksidenteng nabangga ng isang kulay berdeng Euro Viperman 150 na motorsiklo, walang plaka na minamaneho ni Ephraim Mungcal ang sinasakyan ng mga biktima na isang kulay abo na Honda Click 125 na may plakang 328CPW ganap na alas-12:17 ng madaling araw.
Samantala, agad isinugod sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital ang bata subalit kalaunan ay binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang mga magulang ng paslit.
Kaugnay nito, detenido ngayon ang suspek sa Sta Maria Municipal Jail habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to properties.
THONY ARCENAL