PATULOY ang ginagawang paghahanap sa pitong tripulante ng isang Filipino fishing vessel matapos na makasalpukan nila sa gitna ng laot ang isang cargo vessel sa may karagatan sakop ng Maracanao Island, Agutaya sa Palawan nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa Coast Guard, sangkot sa naganap sea vessel collision incident ang Marshall Islands-flagged MV Happy Hiro, isang cargo vessel at ang fishing vessel na FB JOT-18, isang Filipino fishing vessel bandang alas-2:30 ng hapon.
Sa ulat, nasa 13 mangingisda ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard 13 (PCG) katuwang ang isang naparaang fishing vessel.
Kinilala ang mga na-rescue na mga mangingisda na pawang taga Bantayan Island sa Cebu, habang ang isa ay nakatira sa Estancia, Iloilo na sina Donde Petiero, 38-anyos, Estancia, Iloilo; Roderico Mata, 31-anyos;Randy Mata, 36-anyos; Renie Espinosa, 38-anyos; Mario Quezon, 24-anyos; Sammuel Ducay, 40-anyos; Rendil Dela Peña, 42-anyos; Martin E. Flores Jr., 58-anyos; Jupiter Jbañiez, 38-anyos; Andring Pasicaran, 43-anyos; Jonel Mata, 30-anyos; Joemar Pahid, 32-anyos at Arjay Barsaga, 26-anyos
Habang, nagpapatuloy ang ginagawang search and rescue operations ang BRP Suluan (MRRV-4406), PCG Station Cuyo at PCG Sub-Station Agutay sa Iloilo para sa mga nawawalang mangingisda.
“MRRV 4406 BRP Suluan together with rescue teams from Coast Guard Station Cuyo and Substation Agutay in Iloilo (are) conducting search and rescue operations,” ayon kay Coast Guard spokesperson Commodore Armand Balilo
Nabatid na isang transiting fishing boat BAL 5 ang agad na nakarating sa incident site at nagsagawa ng rescue assistance sa 13 mangingisda ng FB JOT-18.
Agad naman inilipat ang 13 mangingisda sa MV HAPPY HIRO na siyang nagdala sa mga ito sa vicinity ng karagatan ng Lipata, Culasi, Antique para sa kaukulang tulong.
Matapos mabigyan ng clearance inilipat din ang mga mangingisda sa barko ng PCG ang BRP Panglao na siyang naghatid sa mga mangingisda.
Sa report na ibinahagi ng Medical Officer ng MV HAPPY HIRO na si Medical Officer Mckinley Amante, residente ng San Miguel, Iloilo sa PCG, 12 sa 13 rescued fishermen ay nagtamo ng mga galos sa katawan habang ang isa ay nagtamo ng minor wound sa ulo. VERLIN RUIZ