MAIBA naman natin ang usapan. Noong nakaraang linggo, ang buong sambayanan ay nakatutok sa telebisyon at sa social media dahil sa kampanya ng Gilas Pilipinas. Hangad nila ay masungkit ang puwesto na makapaglaro sa nalalapit na Paris Olympics.
Ang tawag dito ay ang Olympic Qualifying Tournament o OQT. Ang nasabing OQT, kung saan nabibilang ang Gilas Pilipinas na lumahok sa Riga, Latvia sa Europa. Ang biyahe ay mahigit 27 oras o isang araw at tatlong oras sa pamamagitan ng eroplano. Ang pasahe kada isang manlalaro ay aabot ng P70,000 round trip ticket. Magastos.
Malayo ito sa Pilipinas. Kakaiba ang kanilang makikita at mararanasan sa nasabing bansa. Maliban pa rito, ang makakalaban nila sa kanilang grupo ay mabibigat na koponan. Ang Latvia na ranked #6 sa FIBA Men’s Basketball at ang Georgia na ranked # 23. Ang Pilipinas ay nasa ika-37 sa ranking. Talagang dehado ang Gilas Pilipinas sa nasabing torneo.
Subalit ginulat ang mundo ng basketball ng pinadapa nila ang Latvia sa unang laban nila sa iskor na 89-80. Hindi nakalamang ang Latvia mula sa umpisa hanggang matapos ang laro. Nagulantang ang buong mundo sa pangyayaring ito. Pati ako ay hindi makapaniwala sa nangyari. Nilampaso ng Gilas Pilipinas ang #6 na Latvia.
Naging usap usapan ang nasabing laro. Bago kasi ang laban ng Latvia sa Gilas, tinambakan nila ang koponan mula sa Georgia, 83-55. Pero hindi nasindak ang mga manlalaro natin. Umabot pa nga ang lamang ng Gilas kontra Latvia ng 20 puntos.
Dahil sa malaking kalamangan ng Latvia kontra Georgia, kinakailangan lang Gilas na huwag matalo ng mahigit sa 19 points sa laban nila sa Georgia upang makapasok sa semi-final round.
At ganun nga ang nangyari. Sinubukan ng koponan ng Georgia na tambakan ang Gilas ng mahigit na 20 points sa umpisa ng laro. Subalit dito natin nakita na buo ang loob ng mga manlalaro natin at nakahabol sila at lumamang pa sa mga ilang sandal ng laro. Natalo man tayo sa Georgia, ngunit pumasok pa rin tayo sa semi-final round dahil lamang lang ang Georgia ng 2 puntos.
Ang sumunod na kalaban ng Gilas Pilipinas ay ang Brazil na #12. Nasa hanay nila ang mga koponan na matatawag na mga higante sa basketbol. Ang top 10 kasi sa FIBA men’s basketball ay USA, Spain, Germany, Serbia, Australia, Latvia, Canada, Argentina, France at Lithuania. Ang Slovenia na pinangungunahan ni NBA sensation Luka Doncic ay ranked #11.
Subalit nang maglaban ang Gilas kontra Brazil, lamang ang ating koponan sa unang bahagi ng laro. Akala ko nga ay maaaring manalo ang manok natin. Natataranta ang Brazil at kinalaunan ay natalo tayo sa mas malakas at magaling na koponan na may iskor na 71-60. Ang lahat ng mga coach ng Latvia, Georgia at Brazil ay humanga sa Gilas Pilipinas.
Nagbago na ang pagtingin ng mundo ng basketball sa Pilipinas. Dati ay minamaliit tayo. Hindi kinatatakutan. Subalit sa ipinakita nila sa OQT, tiyak na tataas na ang ranggo ng Pilipinas sa FIBA men’s basketball.
Saludo ako sa mga manlalaro ng Gilas Pilipinas, ang coaching staff na pinamumunuan ni Coach Tim Cone, ang
Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pinamumunuan ni Al Panlilio at ang suporta ng SMC ni Ramon Ang at ang MVP group ni Manny Pangilinan. Kung hindi dahil sa kanila, hindi mangyayari ang napakagandang ipinakita ng Gilas Pilipinas. Mabuhay Pilipinas. Puso!!!