SALUDO SA MAGNIFICENT 7 AT PATRIOTIC 70!

MASAlamin

UMAANI ngayon ng katakot-takot na papuri ang 70 kongresista na bumoto ng “Yes” sa resolusyong nagbabasura sa franchise application ng ABS-CBN Corporation noong Biyernes.

Ang pakiramdam ng karamihan ng mamamayan ay nakamit nila ang hustisya laban sa oligarkiyang nagpapatakbo ng giant network na ilang dekada nang nanloloko sa kanila at nilalamangan pati ang ating gobyerno. Tinawag nilang “Patriotic 70” ang mga nasabing mambabatas na naging boses at tagapagtanggol nila sa 13 pagdinig.

Talagang kitang-kita nila ang pagsasakripisyo ng Patriotic 70 sa mga hearing na maagang nagsisimula at inaabot ng gabi (may mga pagkakataon din na hanggang hatinggabi pa). Kahit may COVID-19 at imbes na asikasuhin ang kani-kanilang pamilya, mas pinipili ng mga naturang kongresista na maghanda, mag-aral, at sumali sa bawat pagdinig upang maibunyag ang mga kasalanan ng ABS-CBN sa taumbayan at pamahalaan.

Mayroon sa kanila na imbes mag-Zoom na lang ay mas ginugusto pang magpunta sa Batasan at makisangkot up close sa mga deliberasyon ng mga humahawak na komite. Ibang klase, kaya naman pati po kami’y sumasaludo sa inyo, Patriotic 70!

Kung may Patriotic 70, mayroon din namang tinatawag na “Magnificent 7.” Sila ang mga mambabatas na parte ng House leadership na namahala at nagtimon upang masiguro na magiging patas ang mga pagdinig sa lahat ng kasaling partido, lalo-lalong na para sa ABS-CBN. Mantakin n’yo, mahigit 10 pagdinig ang ibinigay sa network upang maigiit nito ang kahilingang bagong prangkisa.

Ang bumubuo ng Magnificent 7 ay sina Speaker Alan Peter Cayetano, Deputy Speaker Jesus Crispin Remulla, Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Committee on Legislative Franchises Chair Rep. Franz Alvarez, Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Rep. Mike Defensor, at Rep. Elpidio Barzaga. Hindi rin matatawaran ang ipinakitang sipag at direksyon ni Majority Leader Martin Romualdez sa kanyang trabaho. Ang papuri’t palakpak ay laan din sa kanila. Mabuhay po kayo, mga sir!

Kahit naging masalimuot o madugo man ang proseso at may ilang nasugatan o lumuha, ang importante’y naisilbi ang katarungan. We have to bite the bullet, sabi nga. Doon pa rin tayo sa tama, ‘di ba?

Sa ngayon, klaro na sa ating lahat na maraming nilabag ang ABS-CBN. Pinakatampok sa mga ito ang foreign citizenship ni ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez; ang pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts o PDRs sa mga dayuhan upang maikutan ang batas dahil bawal magmay-ari ang mga ito ng alinmang media outfit sa bansa; ang hindi pagbabayad ng tamang buwis; ang pekeng block-time deal sa pagitan ng ABS-CBN at AMCARA (ang huli’y dummy account lang ng una); at iba pa.

Sa bandang huli’y mapapaisip na lang tayo. Nagbabalita at bumabatikos ang ABS-CBN sa masahol na contractualization pero marami pala sa mga empleyado nito ang contractual pa rin hanggang ngayon kahit nagtatrabaho na sa istasyon sa loob ng maraming taon.

There’s the rub.

Comments are closed.