May nabasa akong ulat kamakailan kung saan binigyang daan ng pamahalaan ng Quezon City ang pagbiyaheng muli ng mga jeepney sa pamamagitan ng partnership sa delivery app service na nagngangalan na Lalamove. Ito raw ay upang gamitin ang mga public utility jeepney (PUJ) para makapag-deliver ng mga pangangailangan ng mga negosyante sa nasabing lungsod sa ilalim ng GCQ o general community quarantine. Tatawagin daw nila itong ‘Lalajeep’.
Sa madaling salita makakakita na tayo ng mga jeepney sa lansangan ng Quezon City nguni’t hindi upang magsakay ng mga pasahero kundi sa pag-deliver ng mga produkto at ano mang pangangailangan sa kanilang negosyo. Ito raw ay makatutulong sa mahigit na 9,000 na mga jeepney driver na nawalan ng hanapbuhay mula nang ipinagbawal ng ating gobyerno ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon dahil sa nakamamatay na COVID-19.
Maganda ang layunin ng Quezon City at ng Lalamove. Subali’t hindi ba salungat ito sa ipinagkaloob na prangkisa ng LTFRB sa orihinal na layunin ng paglalayag ng mga pampublikong transportasyon tulad ng jeepney?
Opo. Naiintindihan ko na may mga sasakyan na ang modelo ay tulad ng disenyo ng jeepney ay ginagamit pang-delivery. Nguni’t ang mga ito ay pribadong sasakyan. Sa ilalim ng prangkisang nakuha ng mga PUJ, hindi yata sila maaring lumayag sa mga ruta na hindi nakasaad sa kanilang prangkisa at hindi maaring gamitin sa iba mang paraan maliban sa kanilang ruta. Maaring magawa ito kung sila ay kukuha ng special authority mula sa LTFRB.
Maliban pa rito ay may nakapaskil sa kanilang mga sasakyan kung saan ang kanilang mga ruta. Eh kung ang daan nila ay hawig sa kanilang ruta? Maaring matukso silang kumuha ng mga nagigipit na mga pasahero sa pangangailangan na makapasok sa trabaho o kaya ay upang makauwi.
Hindi ko minamaliit ang pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan na walang pribadong sasakyan. Subali’t ang mahalaga ay pakaingatan natin na hindi kumalat ang nakahahawa at nakamamatay na COVID-19. Maaring magbukas lamang ito ng oportunidad na pagsamantalahan ang paglayag ng mga jeepney sa pamamagitan ng Lalajeep. Masakit man sabihin, subali’t kilala naman natin kung gaano ka-pasaway ang karamihan ng mga jeepney driver.
Tandaan, ang disenyo ng jeep ay kulob. Maaring magkahawaan ang mga tao sa loob ng pampasaherong jeep. Isa pang tanong? Eh kung ginamit ang Lalajeep upang transportasyon ng empleyado ng isang negosyo? Maari ba ito sa ilalim ng usapan sa pagitan ng Lalamove at QC government?
Inuulit ko maganda ang layunin subali’t tila maraming butas sa nasabing kasunduan at operasyon. Ang mga PUJ ay may prangkisa upang gamitin bilang pampublikong transportasyon. Hindi sila, sa ilalim ng LTFRB, na maaring tawagin na pribadong sasakyan. Kailangan muna ay kumuha sila ng permiso o bitawan muna nila pansamantala ang kanilang prangkisa na ibinigay ng LTFRB bago sila sumabak sa ilalim ng programang Lalajeep.
Hindi porke’t nasa kakaibang sitwasyon tayo ngayon ay maaring nang mag-isip nang biglaan at panibagong sistema na sasalungat sa mga polisiya at alituntunin ng ating gobyerno. Tandaan, iba ang kapangyarihan ng LGU sa kapangyarihan ng national government. Ang prangkisa ng mga jeepney ay nasa ilalim ng DOTr at ang sangay nilang ahensiya na LTFRB. Chairman Delgra, paano nakalusot ito sa inyo?
Comments are closed.