MAS titindi raw ang El Niño phenomenon hanggang sa ikalawang quarter ng 2024.
Ito ang naging babala ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, at Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).
Siyempre, ito naman ang nagtutulak sa pamahalaan na mas palakasin ang mga hakbang na kanilang isinusulong laban dito.
Nananatili ang pangako ng pamahalaan na pangangalagaan ang seguridad at kaayusan ng mamamayan laban sa mga pagsubok na dulot ng matinding tagtuyot.
Sa kabila ng likas na pag-iral ng kalamidad, ang pagkakaroon ng malinaw at mabisang plano ay nagbibigay ng katiyakan at pag-asa sa bawat Pilipino na handa at nagkakaisa sa harap ng anumang pagsubok.
Sa isang proaktibong hakbang upang harapin ang mga hamon ng El Niño, gumawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng decisive action sa pamamagitan ng pagbuhay sa Task Force El Niño kasunod ng inilabas nitong Executive Order No. 53.
Nagbibigay-diin ito sa layunin ng pamahalaan na mapalakas ang pagresponde ng komunidad at tiyakin ang sapat na suplay ng tubig, seguridad sa pagkain, at kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ang Task Force El Niño ay mag-o-operate sa ilalim ng Office of the President (OP) kung saan ang kalihim ng Department of National Defense (DND) ang chairperson habang co-chair naman ang kalihim ng DOST.
Kasama rin sa pangunahing miyembro ang mga kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DOST), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), at National Economic and Development Authority (NEDA).
Nabatid na kabilang sa mga responsibilidad ng task force ang pag-revise at pag-update ng Strategic El Niño National Action Plan, pagsubaybay sa implementasyon ng mga solusyon at programa, at pakikipag-coordinate sa mga kinauukulan upang mapabilis ang pagtatapos ng mga kasalukuyang proyektong pang-imprastruktura sa tubig bago matapos ang Abril 2024.
Inatasan ang task force na makipagtulungan sa Office of Civil Defense (OCD) para sa administratibo at teknikal na suporta. Dagdag pa rito, inatasan din itong magsagawa ng massive information campaign sa tulong ng Presidential Communications Office (PCO) upang palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa El Niño.
Upang gamitin ang teknolohiya, itatatag ng task force, sa koordinasyon ng DOST, ang El Niño Online Platform.
Ang sentralisadong repository na ito ay maglalaman ng maraming impormasyon, pananaliksik, at datos tungkol sa El Niño, kasama na ang mga interactive na mapa, visualizations, at plano at programa na batay sa datos.
Ang proaktibong hakbang ng pamahalaan ay sumasalamin sa pagsusuri ng DOST-PAGASA na nagpapahiwatig na ang El Niño ay ganap nang umiiral.
Ang stratehikong pamamaraan na ito ay nagpapatuloy sa National Action Plan Framework na ginawa noong nakaraang taon, na nakatuon sa mga sektor tulad ng suplay ng tubig, pagsasaka, kuryente, kalusugan, at kaligtasan ng publiko.
Ang dedikasyon ng pamahalaan sa proactive at coordinated na pagtugon dito ay nagbibigay-diin sa kanilang layunin na protektahan ang bansa laban sa epekto ng El Niño.