SAMA-SAMA NATING SUGPUIN ANG RABIES

HINDI maitatanggi na ang rabies ay nakamamatay dulot ng virus na maaaring makuha sa kagat o laway ng hayop, partikular ang aso. Ito ay isang panganib na dapat bigyan ng seryosong pansin ng bawat indibidwal at ng ating pamahalaan.

Sa Pilipinas, kahit na may mga programa para labanan ang rabies, patuloy pa rin itong nagiging banta sa kalusugan ng mga mamamayan.

Maraming kaso ng rabies ang naitatala taon-taon, at hindi biro ang epekto nito sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya.

Isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang labanan ang rabies ay ang pagpapabakuna ng mga hayop, partikular na ang mga aso.

Gayunpaman, ang kakulangan sa kaalaman at kakayahan ng ilang komunidad na magpabakuna ay nagiging hadlang sa pagkontrol sa pagkalat ng sakit na ito.

Dagdag pa, ang kakulangan sa tamang pag-aaral at impormasyon tungkol sa kahalagahan ng agarang pagpapatingin sa doktor matapos makagat ng hayop ay nagdudulot ng mas maraming kaso ng rabies.

Kung hindi ako nagkakamali, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas sa mga kaso ng rabies sa bansa nitong mga nakaraang buwan.

Ayon sa DOH, mula Disyembre 17 hanggang 31, 2023 ay nakapagtala sila ng 13 kaso ng rabies, na mas mataas mula sa walong kaso lamang na naitala kumpara sa naunang dalawang linggo ng Enero 2024.

Kasama sa mga rehiyon na nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ng rabies ang National Capital Region (NCR), Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Wester Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro.

Mula Enero 1 hanggang 13, 2024 naman ay nakapagtala ang DOH ng pitong rabies cases.

Mahigpit ang paalala ng ahensiya sa publiko na ang rabies ay nakamamatay.

Ang Republic Act No. 9482 o ang Anti-Rabies Act ay nagmamandato sa Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na pangunahan ang pagkontrol at pagsugpo sa mga animal at human rabies.
Sa totoo lang, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi agad na nagpapatingin sa doktor kahit nakagat ng aso.

Higit sa lahat, ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng anti-rabies vaccine sa mga ospital at pagpapalaganap ng kaalaman sa publiko tungkol sa kahalagahan ng agarang pagpapatingin ay mahalaga upang labanan ito.

Sabi nga, sa kabila ng mga programa at kampanya ng gobyerno upang labanan ang rabies, hindi pa rin daw sapat ang naisasagawang progreso.

Sa kabuuan, hindi natin dapat balewalain ang panganib na dala ng rabies.

Dapat nating bigyan ito ng karampatang pansin at pagkilos upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan.

Napakaraming buhay na ang nanganganib.

Masasabi ring hindi lamang ito isang problema sa kalusugan, kundi pati na rin sa ekonomiya at lipunan.

Nagdudulot ito ng pagkabahala, takot sa mga mamamayan, hindi pagkakasundo at hindi pagtitiwala sa kapaligiran.

Kailangan din ng mas malakas na suporta mula sa pamahalaan, kasama na ang pondo at mga programa para sa pagsugpo ng rabies sa buong bansa.

Mahalaga ang pagtutulungan sa pagsasakatuparan ng mga hakbang na kinakailangan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito at mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan.