Isinusulong ng samahan ng mga panadero ang pagpapalakas ng agri bread o tinapay na gawa sa ilang uri ng gulay tulad ng kalabasa at malunggay.
Ayon kay Chito Chavez, presidente ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino, Inc. dapat tutukan ng gobyerno ang pagpapalakas nito dahil tiyak na mapapaunlad nito ang industriya ng tinapay na makatutulong sa ekonomiya.
“Ang malunggay po magdaragdag lang tayo ng ilang porsiyento. Pero ang kalabasa pandesal po, lubusan na makapagdadagdag po dahil pwede po natin itong ihalo sa dami ng 30% or sa isang kilo ay magdagdag tayo ng tatlong daang gramo ng kalabasa na makakabawas ng ating importasyon ng harina at makapagpapalago naman sa ating agricultural sector,”sabi ni Chavez.
Sinabi pa nito na sa pamamagitan nito ay mababawasan din ang pag- angkat ng harina.
Dagdag pa niya, dapat ay magkaroon ng mahigpit na monitoring ang Food and Drug Administration (FDA) sa maliliit na panaderya dahil masyado aniyang mataas ang sugar content sa malunggay pandesal na ibinebenta ngayon.
Taliwas din aniya ito sa totoong lasa ng pandesal na dapat ay maalat.
Giit ni Chavez ay dapat ay magkaroon ng tamang edukasyon ang maliliit na panaderya sa paggawa ng pandesal para lalong lumakas ang kanilang sektor.
“Kung ibababa po natin ang sugar content ng pandesal na lagi ng hinihiling ng Nutrition Council of the Philippines noon pa man sa atin, ay malaking tulong po ito,”sabi ni Chavez.
“Sana po ay magkaroon ng programa ang ating Food and Drug Administration, Department of Health. Nanawagan po ako na ayusin at ibalik ang dating glory ng pandesal sa pamamagitan ng kanyang pangalan na maibaba ang asukal nito,” sabi ni Chavez.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia