KUNG nais mong kumuha ng kurso online mula sa University of the Philippines Open University (UPOU), ito na ang tamang pagkakataon dahil mayroong 23 maiiksing kurso na ino-offer ang UPOU simula ngayong Pebrero 2023.
May karagdagang 5 multimedia production courses pa, at ang lahat ng ito ay libre!
Nasa ilalim ito ng kanilang UPOU Massive Open Distance e-Learning MOOC Calendar. Bukas para sa lahat ang mga kursong ito at maaaring tapusin sa sariling panahon. Kapag natapos mo ang iyong kurso, may ibibigay na e-certificate ang UPOU at maaaring isama ito sa iyong resume o CV bilang 16-hour training.
Para sa mga interesado, maaaring mag-register ng inyong MODeL account sa pamamagitan ng pagpunta sa https://model.upou.edu.ph/login/signup.php Mag-fill out ng form at i-click ang “Create My New Account”. May matatanggap kang e-mail para ma-confirm ang iyong account. Maaari ka nang mag-login at mag-browse sa mga kursong maaaring kunin.
Bukod pa riyan may apat na bagong Associate Programs na binubuksan ang UPOU ngayong 2023. Ito ay ang mga sumusunod: Associate of Arts in Digital Design and Art, Associate of Arts in Digital Entrepreneurship, Associate of Science and Information Technology, at Associate of Science in Instructional Design and Technology. Ang mga ito ay 2 taon na baccalaureate programs na patungo (ladderize) sa Baccalaureate degrees.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring mag-email sa model@upou.edu.ph o sa inquiries@upou.edu.ph o kaya naman ay bumisita sa website ng UPOU sa https://www.upou.edu.ph/academics/