KALIWA’T kanang proyekto ang isinusulong ngayon ng gobyerno.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, nakikita nating pangmatagalan talaga ang mga gawaing pambayan.
Siyempre, karamihan sa mga proyekto ay para sa ikauunlad ng mamamayan at bansa.
Ilan sa mga ito ay tungkol sa kalusugan, pangangalaga sa kapaligiran at marami pang iba.
Sinasabing bunga ng mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan na bahagi ng programang ‘Build Build Build’ ay tumaas ang pangangailangan para sa mga trabahador sa sektor ng konstruksiyon.
Naging daan ito upang ilunsad ang isang job hiring at search portal noong nakarang taon.
Dito makikita ang mga bakanteng trabaho na may kinalaman sa Build Build Build’ program ng gobyerno.
Mainam din namang malaman at mapakinggan na maraming balak at ginagawa ang ating gobyerno.
Ito kasi ang inaasahan ng mamamayan.
Gayunman, masaklap malaman na marami pang proyekto ang gobyerno noon na hindi napakikinabangan.
Kung hindi ako nagkakamali, isa sa mga halimbawa rito’y ang Bataan Nuclear Plant sa Morong, Bataan na maraming taong binayaran ng mamamayang Filipino at itinayo ng gobyernong Marcos at nagkakahalaga ng bilyong piso noong dekada 70.
Ilang taon din itong binayaran ng bawat Pinoy pero hindi naman napakinabangan at natengga lamang sa Bataan.
Kahit gahiblang koryente ay walang na-produce ang BNPP.
Gumastos din ang ating gobyerno ng P504 million para sa pagbili ng 26 medical waste incinerators noong 1997 na kayang sumunog daw ng hospital wastes.
Ipinagmalaki pa na lahat ng klaseng basura ng ospital ay kaya nitong sunugin.
Nawalan naman ng saysay ang mga mamahaling incinerator dahil pawang substandard pala ang mga ito.
Ngunit ibahin ninyo ang Duterte administration dahil walang nasasayang sa bawat sentimong buwis na ibinabayad ninyo.
Halos isang daang investment projects na nga raw na nagkakahalaga ng mahigit P5 billion ang inaprubahan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa unang anim na buwan ng 2019. Ilan lamang iyan sa daan-daang proyekto ng kasalukuyan nating pamahalaan.
Ayon nga kay SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma, kabuuang 77 new investments at 21 expansion projects ang ilalagay sa Subic na bilyon-bilyong piso ang halaga.
Sa ginanap na Subic Labor Congress kamakailan sa Harbor Point Ayala Mall, tiniyak ni Eisma sa lahat ng prospective workers ang tuloy-tuloy na investment promotion program ng SBMA.
Aba’y magandang balita ito para sa mga manggagawang Pinoy sapagkat libo-libong trabaho ang maibibigay ng mga proyektong ito sa Subic.
Inaasahan daw na ang gagawing expansion project ng Datian ay lilikha ng mahigit 1,500 jobs, 500 new jobs sa Sinoinvest Resources, higit 300 jobs sa Juan Fong Industrial Corp., at halos 300 jobs sa Philippines Easepal Technology.
Sa pamamagitan ng mga ganitong oportunidad, unti-unti nang natutupad ang pangarap ng bawat mamamayan na darating ang araw na hindi na natin kailangang mangibang-bayan para makipagsapalaran at maghanap ng trabaho para sa kinabukasan ng ating pamilya.
o0o
Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am). Mapapanood ninyo rin ako sa PTV NEWS araw-araw, alas-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa [email protected] o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos.
KAHAPON ng umaga ay nagkaaberya na naman ang MRT-3 at sinuspinde ang operasyon nito mula sa estasyon ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang sa Santolan Station sa Quezon City. Nangyari ito dakong alas-6 y medya ng umaga. Kasagsagan ito ng dami ng mga pasahero na papasok sa kanilang mga trabaho.
Nakakaawa talaga ang sitwasyon ng mga mananakay ng MRT-3. Maaga silang pipila sa umaga dahil wala silang ibang maayos na alternatibo para makapunta sa kanilang paroroonan na babaybay sa kahabaan ng EDSA. Karamihan sa kanila ay mga nag-oopisina sa Makati o sa Mandaluyong. Kung sasakay naman sila sa bus, siguradong kasama sila sa mga iba pang sasakyan na ipit sa trapik sa EDSA.
Hindi tulad sa bus, dire-diretso ang biyahe. Bilang ang mga estasyon na titigilan. ‘Yan ay kung walang aberya. Subalit kadalasan ay may aberya ito. Natatandaan ko pa nang ako ay sumasakay sa MRT-3 noon, kaso ngayon ay ayaw ko na dahil nga sa mga balita na problema na bumabalot dito.
Luma na ang lahat ng kagamitan ng MRT-3. Mula sa kanilang bagon, riles, signaling system, electrical system, at marami pang iba. Pinaglaruan at pinagkakitaan ng mga namahala ng MRT-3 sa mga nakaraang pamahalaan natin.
Noong panahon ni PNoy ay nag-alok ang Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na bilihin ang share ng gobyerno sa MRT-3 upang maging pribado na ang pag-aari nito at maayos na ng lubusan. Hindi pumayag si PNoy. Ang alam ko rin ay inalok muli ang pagsasapribado nito sa kasalukuyang administrasyon. Marahil dahil sa mga sunod-sunod na kaganapan ay maaaring pag-aralan nilang mabuti ang nasabing alok.
Ang pagkakaroon ng aberya sa operasyon ng MRT-3 kahapon, ayon sa ulat, ay dahil nagkulang daw ang power supply ng bagon kaya hindi ito umandar. May mga ibang ignorante sa kaisipan at sinisi agad ang Meralco dahil nga wala raw suplay ng koryente ang bagon ng MRT-3.
Hindi nagkulang ang suplay ng koryente ng MRT-3 mula sa Meralco. Ang nagkaproblema ay ang kable ng kanilang Overhead Catenary Sys-tem (OCS) sa kanilang Guadalupe Station kaya naman nagkulang ang daloy ng koryente o suplay mula Shaw Boulevard Station hanggang sa Santolan Station.
Upang madaling maintindihan ito, ang magandang ehemplo rito ay sa ating mga bahay. Lahat tayo na sakop ng prangkisa ng Meralco ay kumukuha sa kanila ng suplay ng koryente. Ito ay magmumula sa poste ng Meralco hanggang sa maliit na poste patungo sa ating mga kuntador ng koryente.
Kung nagkakaroon ng aberya ang Meralco, nagkakaroon ng malawakang brownout sa isang lugar. Ngunit kung ang sira ay nagmula sa breaker switch sa loob ng isang tahanan dulot ng overloading ng koryente, ‘yun lamang ang may ‘brownout’. Ang mga kapitbahay niya ay patuloy na may koryente.
Ganito ang nangyari sa MRT-3. Dahil sa kalumaan ng kanilang mga gamit at pasilidad, bumibigay na ang mga ito. Kaya huwag sana tayong padalos-dalos na kapag nawalan ng koryente ay Meralco agad ang may kasalanan.
Comments are closed.