NAGING napakalaking tulong ang bakuna laban sa COVID-19 sa ating kasalukuyang pamumuhay magmula noong magsimula ang pandemya sa ating bansa.
Kung noo’y para tayong bilanggo sa ating mga sariling tahanan matapos isailalim ang ating mga lugar sa iba’t ibang uri ng community quarantine restriction, ngayon ay pinapayagan na tayo ng pamahalaan na lumabas kahit pa para sa mga hindi esensiyal na aktibidad.
Tila naging kampante na nga ang mga indibidwal nang luwagan sa Alert Level 2 ang quarantine restriction ng Metro Manila. Kapansin-pansin na kasi ang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at pampublikong lugar. Sa mga ulat at larawan sa social media, halos hindi na rin inoobserba ang social distancing.
Maging ang mga sanggol at mga bata na dalawang taon ding nanatili sa kanilang mga tahanan ay malaya na ring nakakalabas, bagama’t hindi pa sila bakunado.
Dagdag pa, karamihan na rin ng mga Pilipino ngayon ay nakabalik na sa kanilang mga trabaho, bagaman marami pa ring negosyo ang nagsisimula pa lang bumangon kaya hindi pa rin ganoon kaayos ang suweldo ng ibang mga empleyado.
Ang lahat ng ito ay bunga ng pagtutulungan ng pamahalaan at magigiting na medical frontliners na dalawang taon nang nakikipaglaban upang puksain ang COVID-19.
Dahil sa mga bakuna, marahil ay nakikita na natin ang bunga ng kanilang mga sakripisyo lalo pa nang ianunsiyo sa mga pahayagan ang patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso. Ito ay napakagandang balita lalo pa at paparating na ang araw ng Pasko. Tila ba ay nabibigyan na tayo ng kasagutan sa ating katanungang, “kailan ba ito matatapos?”
Kamakailan, inanunsiyo ng pamahalaan na lalo pa nilang pabibilisin ang pagbabakuna. Sa paglalaan ng tatlong sunod-sunod na araw para rito, ninanais ng gobyerno na makamit ang target nitong mabakunahan ang 15 milyong Pilipino.
Pinapayagan na rin ang dating ipinagbawal na walk-in vaccination para sa mga nais tumanggap ng bakuna.
Ayon sa datos ng Department of Health, nasa 75.6 milyon nang dosage ng bakuna ang naipamigay sa mamamayan, ngunit nasa 33.58 milyon pa lamang ang fully vaccinated. Kung susumahin, nasa 30 porsiyento pa lamang ng ating 110.8 milyong populasyon ang fully vaccinated. Malayo pa ang ating lalakbayin upang makamit ang herd immunity. Kailangan pa natin itong pabilisin.
Ngunit hindi ito mangyayari kung gobyerno lamang at mga medical frontliner ang magtutulungan. Ang kooperasyon ng masa ay higit na kailangan para makamit ito.
Bilang mamamayan, ang bawat isa ay may mahalagang papel sa inisyatibang ito.
Para sa mga nakatanggap na ng bakuna, hindi pa rito natatapos ang ating misyon. Isa sa ating mahalagang papel ay ang patuloy na paghimok sa mga hindi pa bakunado o yaong mga takot mabakunahan upang magpabakuna na. Ipaalam natin sa kanila ang mga benepisyo ng bakuna—kung bakit ito nararapat noon pa.
Dahil na rin sa dami pa ng hindi pa bakunadong indibidwal, marahil ay ang mga kandidatong tatakbo sa susunod na halalan ay maging tulong din sa pangangampanya hindi lamang para sa kanilang mga sariling plataporma kundi pati na rin sa pagbabakuna.
Para naman sa mga hindi bakunado, nawa’y samantalahin niyo na ang walk-in vaccination program upang protektahan hindi lamang ang inyong sarili, pati na rin ang inyong mga mahal sa buhay at ang mga makakasalamuha pa sa inyong mga patutunguhan. Sa panahon ngayon, ang pinakamagandang regalo na ating maibibigay sa ating sarili at mga mahal sa buhay ay ang ating ligtas na pamumuhay at maayos na pangangatawan. Maswerte na lang tayo kung tayo ay mananatiling ligtas hanggang matapos ang pandemyang ito.
Ang labang ito ay hindi lamang laban ng iisa. Sama-sama tayo at magtulungan upang ang pandemyang ito ay mawakasan na. Karapat-dapat tayong mamuhay nang normal, ibigay natin ito sa bawat isa gamit ang ating papel sa bayan.