PUWEDE nang mag-angkas ang mga rider na bading o tomboy basta’t magkarelasyon at mayroong protective barrier ang mga ito.
Nilinaw ito ni Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar sa pagsisimula kahapon ng pagbiyahe ng sakay ng motorsiklo na mga magkakarelasyon, mag-asawa o magka-live-in basta’t magkasama sa iisang bubong.
“Puwede rin po ‘yun basta couple o partners, ibig sabihin meron silang relationship na sila’y magkasama sa isang tinitirahan. Kailangang ma-establish doon na sila ay nakatira sa isang lugar kaya ang hinahanap natin doon ay dokumento. Initially, ‘yung pong ID na nagpapatunay na magkasama sila doon,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Bagama’t napayagan na ang “couples” na bumiyaheng magka-angkas sa motorsiklo sa mga lugar sa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ, sinabi ng Palasyo na para lamang ito sa mag-asawa.
Nauna nang nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año na ang depenisyon ng “couple” ay iyong mga kasal, mag live-in partner at maging mga magnobyo.
Pero paalala ni Eleazar na dapat ay may protective barrier na ang motorsiklo at naka-helmet at face mask naman ang rider at pasahero nito.
“Kung wala po kayong ganyan, kami po ay nananawagan ‘wag muna kayong lumabas. Hintayin n’yo munang makakuha kayo ng ganyan bago kayo lumabas,” pahayag ni Eleazar na humiling ng kooperasyon ng publiko habang tiniyak naman niya na magiging maayos ang pagharap ng mga pulis sa gagawing random checks sa pagmo-monitor ng compliance sa backriding for couples measure.
Pinaalalahanan ng heneral ang mga motorcycle rider na igalang ang mga law enforcer na nagmamando ng mga Quarantine Control Points (QCPs) sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alintuntunin na itinakda ng National Task Force Against COVID-19 na pumapayag na ang back-riding na isang means of transportation.
“The set of rules for motorcycle back-riding is a balance between safety and the necessity of transportation. Our motorists have long requested for this and now that it was finally granted, please do not abuse it,” pagtatapos pa ni Eleazar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.