NAGPOSITIBO sa microplastic ang mga tahong na nakuha sa iba’t ibang lugar sa Filipinas.
Sa isang pag-aaral na ginawa ni Dr. Jose Isagani Janairo ng De La Salle University sa koordinasyon sa Department of Science and Technology (DOST), ang mga kinuhanan ng samples ng green mussels o tahong mula sa iba’t ibang lugar ay naiksamin gamit ang Fourier-transform infrared spec-troscopy (FTIR).
Nakita sa resulta ng pag-aaral na dalawa sa tatlong samples ng tahong ang na-test na positibo na 100 porsiyento sa microplastics.
Samantala, ang pangatlong sample ay positibo rin sa “suspected microplastics.”
“This is the first time we encounter analyzing samples with possible contamination of microplastic in the tahong or green mussels shells using FTIR,” sabi ni Dr. Araceli Monsada, director ng DOST Advanced Materials Testing Laboratory.
Natukoy rin ang tipo ng plastic na present sa tahong na tinatawag na “Polyethylene o PET”.
“Karaniwang uri ng plastic ito sa mga bote, ‘yung mga sa mineral water, minsan ginagamit din siya sa textiles, sa fabrics.”
May ilang pira-pirasong microplastic fragments na masyadong maliliit, na hindi na halos nakikita.
Matagal nang itinutulak ng environmental groups tulad ng Greenpeace na i-ban ang minsanang gamit ng plastic dahil ito ay kalimitang nagiging mi-croplastics na natatangay sa karagatan na kalaunan ay nakaaapekto sa kalusugan ng tao.
“May mga pag-aaral na nagsasabi na may mga kemikal na kumakapit sa microplastic tapos kapag kinain natin iyong microplastics maaaring malipat din itong kemikal na ito sa katawan natin,” sabi ni Janairo.
Sa kabilang banda, hindi naman naaalarma ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa naturang findings.
“Ito ay hindi dapat ikabahala,” sabi ni Roy Ortega, chief BFAR Aquaculture Division.
“Ang tahong sa Filipinas po ay masasabi nating ligtas kainin, maliban na lamang sa mga panahon na mayroon tayong tinatawag na red tide alert,” dagdag pa niya.
Comments are closed.