KAPANSIN-PANSIN kamakailan ang pagkalat sa social media ng pictures ni Leyte Rep. Martin Romualdez kung saan kasama niya si Presidente Rodrigo Duterte o di kaya’y si Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa ilang private gathering at public occasion.
Ibinibida ni Martin kasi na ‘close’ siya kay Presidente Duterte o sa buong First Family. Sa bakbakan para sa House speakership, importante ang public perception kung minamanok ba ng isang incumbent president ang isang aspirante sa posisyon. Sa post-EDSA, ang lahat ng naging House Speaker ay bata ng nakaupong pangulo.
Ang totoo talaga ay hindi naman malapit si Martin kay Duterte o sa kahit na kaninong miyembro ng pamilya at ang kontrobersiyal na Davao-based businessman na si Samuel Uy ang tanging tulay ng kongresista sa presidente.
Si Uy ay madalas sumasabit sa mga presidential trip ni Duterte at nabatikos pa nga ng media at ng mga kritiko ang palasyo dahil napasama ang negosyante sa official visit sa Japan noong October 2016 kahit wala namang papel ang negosyante sa lakad ng pangulo kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Alam mo ‘yun, unnecessary na ang mga batikos na ‘yun at kaiwas-iwas sana ngunit mukhang hindi nakahahalata itong si Uy.
Kung nagiging liability na sa administrasyon si Uy dahil sa kanyang mga maling galawan, bakit lumalaro siya ngayon sa House speakership race? Ano ang nakataya para sa kanya rito?
Lubhang nakapagtataka ito dahil ang mismong Pangulo nga e bumitaw na riyan sa House Speakership race at hinayaan na lamang ang mga kongresista na i-settle ang isyu sa gagawin nilang botohan, ngunit bakit itong negosyanteng si Uy ay mukhang hindi maka-move on at sawsaw pa rin nang sawsaw sa pagpili sa susunod na liderato ng Mababang Kapulungan?
Baka alam ng long time aide ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na si Medy Poblador ang sagot. Si Medy ang nagpakilala kina Congressman Martin Romualdez at Samuel Uy sa isa’t isa. Abangan!