GOOD day, mga kapasada!
Lubhang nakalulungkot ang ‘di mabuting kapalarang sinapit ng ating mga kapasada na involved sa industriya ng sasakyan.
Sa mga lansangan, hindi ko nakakaligtaang tapunan ng tanaw ang mga drayber na namamalimos at nang-aamot ng anumang maipag-aagdong buhay ng pamilya.
Hindi alintana ang init ng sikat ng araw, gayundin ang malakas na patak ng ulan para lamang kumita ng kaunting halagang maitutugon sa hapag kainan ng mag-anak.
Ang karamihan pa nga, nahinto sa pag-aaral ang mga anak dahil walang pangmatrikula at ang iba pa, dahil sa walang maibayad sa inuupahang tahanan, napipilitan ang mag-anak na magsiksikan sa kanilang mga pamasadang jeep para pansamantalang gawin nilang tahanan habang ang mundo ay pinahihirapan ng COVID-19 pandemic.
PAGLIKHA NG BATAS SA PAGSUSUOT NG HELMET NG BIKERS NAPAPANAHON
Nanawagan kamakailan ang isang bicycle advocate sa pangunguna ni dating Comelec Commissioner Atty. Goyo Gregorio Lardizabal sa mga mambabatas na ito na ang tamang panahon na magpasa ng batas na nagtatadhana na obligahin ang mga biker na magsuot ng helmet.
Ang kahilingan ni Ka Goyo ay batay sa kanyang obserbasyon na pagdami ng mga biker dahil sa kakulangan ng mga transportasyon ng mga mananakay sa harap ng katotohanan na ang buong daigdig ay pinarurusahan ng coronavirus pandemic.
Ikinalungkot ni Ka Goyo ang katotohanan na ngayon, hindi makawala sa pangmalas ang naglipang mga biker na bumabagtas sa mga lansangan na walang suot na helmet.
Gayundin, sinabi ni Mang Goyo na nakapanlulumo na ang karamihan sa ating mga biker ay hindi sumusunod sa traffic rules and regulation na sagabal sa daloy ng trapiko na ang karaniwang end result ay traffic accident.
Aniya, ang pagsusuot ng helmet ay mahalaga para sa isang biker para maiwasan ang head injury sa panahong ito ay maaksidente.Sa kanyang obserbasyon, maraming mga bansa sa mundo ang mandatory ang pagsusuot ng helmet sa panahong ito ay naglalakbay gamit ang bisikleta, sa kabila na dito sa Filipinas ay wala naming national law na nagtatadhana na kailangang sapilitang magsuot ng helmet ang mga biker, pahayag ni Ka Goyo
Kaugnay nito, nagpahayag si Ka Goyo bilang isang abogado at bicycle enthusiast na hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga biker ang pagsusuot ng helmet lalo’t ito ang mabisang pananggalang laban sa pinasala sa ulo sakaling magkaroon ng ‘di inaasahang sakuna.
Magugunita na si Ka Goyo bilang isang manananggol ay kabalikat sa pagbabalangkas ng mga ordinansang may kinalaman sa kahingian ng pag-uutos sa mga biker na gumamit ng helmet para sa mga nagbibisikleta sa mga lungsod, partikular sa Makati.
Nagbigay rin si Ka Goyo ng payo sa pagpili ng mga helmet na gagamitin ng mga biker na dapat ay angkop sa kaginhawahan ng magsusuot nito.
Nauna rito, ayon kay Ka Goyo, nakipag-usap na rin siya sa ilang mambabatas ukol sa bagay na aito, at nakalulugod naman, aniya, na naging katanggap-tanggap sa kanilang saloobin ang kanyang panukala.
BIKE LANE SA PARANAQUE SINIMULAN NA
Likha ng masamang epekto ng coronavirus pandemic, umisip ang Paranaque city government ng mabisang antidote para matugunan ng mga taga-lungsod ang kawalan ng public transport.
Kaugnay nito, inihayag ni Councilor Marvin Santos na sinimulan na ang road marking sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue nitong nakaraang buwan ng Agosto para sa bicycle and motorcycle lane sa nabanggit na Avenida sa Paranaque City.
Binanggit ni Councilor Santos na ang pagsasagawa ng road marking ay base sa itinatadhana ng napagtibay na city ordinance na may kinalaman sa pag-tatayo ng bicycle at motorcycle sa dating Sucat Avenue.
Sa pangunguna nina Mayor Edwin Olivarez, Vice Mayor Rico Golez, Congressman Eric Olivarez at Councilor Santos at mga kinatawan ng Department of Pulic Works and Highways (DPWH) at ng city engineering office ay idinaos ang ceremonial lane marking para sa Paranaque City bicycle at motorcycle lane sa kahabaan ng dating Sucat Road na ngayon ay Dr. A. Santos Avenue.
Binigyang-diin ni Mayor Edwin Olivarez na “Bike should be put up immediately since public transportation consists primarily of jeepneys and UV Express were not allowed to ply along Dr. santos Avenue simula nitong nakaraang Marso when the national government placed Metro Manila under lockdown.”
Comments are closed.