GOOD day mga kapasada!
Una sa lahat, dalangin ng pitak na ito na nawa’y nasa mabuti kayong kalalagyan ngayon at ligtas sa lahat ng masasamang biro ng tadhana.
Mula nang umarangkada ang kampanya ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, bagong mayor ng Maynila sa paglilinis sa kalunsuran ng Maynila, para itong wild fire na tumupok sa mga ‘di makatarungang pagyurak ng mga taga-lungsod sa kalinisan, katahimikan at ng mamamayan.
Bilang punong lungsod, taglay nito ang kapangyarihang utusan ang mga kinauukulan: pulis ng Maynila, Department of Public Services at mga kauring tauhan sa ilalim ng pamahalaang lungsod.
Sa kampanyang pagpapalinis sa lungsod na sa maraming dekadang nakaraan ay naging larawan ng kabalintunaan sa magandang kasaysayan nito, dibdibang ipinatupad ni Yorme ang walang humpay na pagpapanumbalik sa imahen ng lugar na walang exception sino man ang masagasaan.
O ngayon, mahalimuyak na simoy ng bukang liwayway ang sumasalubong sa bawat taga-lungsod.
Unang napagtuunan ng pansin nito ang masisikip na lansangan na magdudulot ng panganib sa mga residente sa panahong mayroong sunog.
MGA KARATULANG NO PARKING SIGN
At sa kanyang paglilibot sa masisikip na lansangan sa Lungsod ng Maynila, bumulaga sa kanyang pangmalas ang malalaking sinage na nagsasaad na “No Parking” sign sa harap ng mga bahay.
Nang simulan niyang ipa-tow ang mga nakaparadang sasakyan na ilegal umanong nakaparada sa harap ng mga tahanan sa maraming bahagi ng lungsod na may nakakaratulang “NO PARKING” umani si Yorme ng maraming puna at batikos at kinuwestiyon nila ang legalidad ng naturang no parking sign sa harap ng bahay.
Ang tanong ng maraming homeowners sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kung puwede ba silang maglagay ng “No Parking” sign sa harap ng kani-kanilang bahay o driveway ng kanilang tarangkahan.
Ayon sa idinulog na reklamo ay binabarahan daw ng ilang motorist ang driveway nila na tumatagal halos ng maghapon o mahigit pa.
Sa paliwanag ni Atty. Ariel Inton Jr., tagapagtatag ng LCSP, ang katotohanan aniya ay wala namang batas na nagbabawal sa isang homeowner na maglagay ng “No Parking” sign sa harap ng kanilang bahay o sa kalsada.
Dahil dito, sinabi ni Atty. Inton na puwede at sa kabila ng nakalagay na ito ay hindi pinansin ng pasaway na driver sa paniniwala na hindi siya maaaring hulihin at maisyuhan ng traffic violation ticket.
Ayon kay Atty. Inton, maaari siyang magkaroon ng violation kung bawal talaga ang magparada sa bangketa o kalsada kahit walang nakalagay na sign ng “no parking”.
Sinagot din ni Atty. Inton ang legalidad ng mga katanungan ng marami na kailangan ba na may “No Parking” sign para mahuli at matikitan ang isang illegally parked vehicle?
BAWAL ANG MAG-PARK NG SASAKYAN
Hindi kailangang may nakapaskel na sign o wala na bawal ang pumarada—may driver man o wala sa:
- harap ng pribado o awtorisadong driveway.
- National road sa Kalakhang Maynila.
- sakop ng anim na metro sa alinmang pinagkrusan
- sa sakop ng apat metro ng driveway o entrada ng fire station, hospital, o clinic.
- sa sakop ng apat metro ng fire hydrant.
- ilegal na pagparada sa kahanay o sa roadside ng legal na nakaparadang sasakyan
- sa mga pedestrian lanes.
- sa sidewalks, eskinita, patwalk, na hindi para daanan ng sasakyan o pagparadahan at
- sa malapit sa tulay o mga footbridge.
Nilinaw ni Atty. Inton na hindi maaaring ikatuwiran na walang sign na nakaposte sa pook kaya hindi sila dapat hulihin alinsunod sa Land Transportation Office (LTO) at sa Traffic Code: R.A. 4136 ay itinatadhana na ang sino mang driver na nakapasa sa driving test ay presumed na may kabatiran sa naturang binanggit na batas ng trapik.
PAVEMENT MARKING MAHALAGA SA DRAYBER
Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na lubhang napakahalaga para sa isang driver na isadiwa ang kahalagahan ng pavements marking sa lahat ng pangunahing highways upang makatulong sa pagliligtas sa mga pasaway na driver sa kapahamakan.
Kabilang dito ang: center lane lines, barrier lines and directional arrow, depending upon the type of highway and the needs for such marking upang makatiyak na ligtas ang lansangan sa pagmamaneho under varying traffic conditions.
Ayon sa LTO, lubhang napakamahalaga ang pagkakaroon ng kabatiran at paggamit sa bawat uri ng marking upang maligtas ang driver sa anumang ‘di inaasahang kapahamakan.
Ang pagkabigo, maging ito ay intensiyonal o kawalang muwang to observed sa itinuturo at kahulugan ng mga nakaguhit na linya ay maaaring magsadlak sa ibayong kapahamakan.
ANG PAINTED CROSSWALK
Ayon sa LTO, ang mga painted crosswalk sa mga bangketa ay inilagay sa mga intersection at sa iba pang mga pook na kung saan maraming pedestrian upang magkaroon ng ligtas na lugar sa panahon ng kanilang pagtawid.
Mahigpit na itinagubilin ng batas ng LTO na kailanman ay hindi ninyo dapat ihinto ang inyong sasakyan partly or wholly within a crosswalks.
Ang pedestrians ay maaaring naglalandas o tumatawid sa magkabilang dulo ng crossways upang masiguro na ligtas ang tumawid kaya kailangang igalang ang anumang traffic light na on operation.
Kailangang may ibayong ingat ang mga driver bago pa man makarating sa crosswalks, diin ng LTO.
Karaniwang pedestrian na dapat bigyan ng paggalang ang mga student, senior citizen at mga may kapansanan.
PATNUBAY SA PAPAAKYAT AT PASSING LANE
Kung minsan, hindi iginagalang ng mga motorista ang mga signage na karaniwang nakalagay sa mga pook na lubhang prone sa traffic accident.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), ang mga signage na ito ay karaniwang nakalagay sa mga highway dalawang kilometro pa bago dumating sa lugar na papaakyat at passing lane.
Ang passing lane, paglilinaw pa ng LTO ay naghuhudyat ng daan sa mga sasakyang mabagal tumakbo na bumanda sa kanan na lane upang bigyan ng ligtas na daan ang mga sasakyang mabilis ang takbo sa bandang kaliwa na lane.
Pagdating sa dulo ng paakyat na lugar o ‘di kaya sa passing lane, ang drayber na nasa bandang kanan na lane ay dapat sumanib sa trapiko sa pamamagitan ng center lane na tumatakbo sa iisang patunguhan (direction).
Ayon sa LTO ang ganitong paalaala sa motorista ay karaniwan na nilang inilalathala sa social media lalo na sa panahon ng bakasyon na ang karamihan sa mag-anak ay nagkukumahog na makapagbakasyon sa kani-kanilang lalawigan para makita ang mga kamag-anak.
BALIKATANG KASUNDUAN NG HPG AT GRAB
Isang napakamahalagang balikatan ang naganap sa pagitan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) sa pangunguna ni PNP HPG head General Carlos at ng Grab Philippines na patindihin ang kanilang partnership na mapabuti ang Metro Manila’s major thoroughfares at ang iba pang mga pangunahing lansangan partikular sa EDSA na magkaroon ng kapanatagan sa isang ligtas na pook sa mga motorista lalo na sa mga holiday tulad ng yuletide seasons.
Sa naturang balikatan, ipinangako ni Gen. Carlos ng PNP HPG na bibigyan nila ang kanilang Grab partner-drivers ng mga hasik-pandayan (seminar) upang mabigyan sila ng mga insight sa turo at aral na nakapaloob sa Defensive Driving upang maiwasan maging biktima ng mga magnanakaw at iba pang kauring con artists.
Ayon kay Gen. Carlos, pag-iibayuhin ng PNP HPG ang malawakang programa sa pag-aresto sa mga lawless element na karaniwang nambibiktima sa mga motorcycle and motor vehicle theft sa buong bansa partikular doon sa mga kaso ng pagsasamantala ng mga miyembro ng “Rent Sangla, Rent Tangay” syndicates sa kalakhang Maynila at sa maraming bahagi ng bansa.
PANAWAGAN NG PCMA PARA SA IMPLEMENTASYON NG PUVMP
Sa sobrang pagkainip sa ilang taon nang pagka-delay ng implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) napilitang dumulog ang commuters group sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation and Regulatory Franchising Board (LTRFB) upang hilingin ang mabilisang proseso sa pagpapatupad ng programang ito.
Ayon Kay Jessie Santos, pangulo ng Public Commuters and Motorist Alliance (PCMA), nakikiisa sila sa DOTr at sa LTFRB na ipagpatuloy ang programa ng pamahalaan tungkol sa modernization program ng mga pampasaherong jeepney.
Ayon kay Santos ipinatutupad na ng PUVMP halos sa buong bansa bagama’t malaon na itong antala.
Pahayag ni Santos na lubha nang maraming transport group ang nagmo-modernize na kaya naman ang grupo nila ay nananawagan sa DOTr at sa LTFRB na i-fast track na ang ang programang ito dahil sa lubhang delayed na ang implementasyon nito.
Samantala, nauna rito ay hiniling naman ni Jun Magno, national president ng Stop and Go Coalitions (SGC) at kay chairman Martin Delgra III ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) to make legal sa pamamagitan ng isang nakasulat “black and white” ang kanilang order na nagpapahinto sa full implementation ng PUVMP.
Naguguluhan sila sa pagsasabing “complicated ‘yung pahayag nila kaya ang kahilingan namin ay maglabas sila ng black and white kung tuloy o hindi ang implementasyon ng PUVMP.”
Ayon kay Magno, lubha silang naguguluhan sa situwasyon nito dahil sa Senado, hindi rawtuloy, kalaunan, may pahayag naman ang DOTr at LTFRB na tuloy ang programa ng modernization, na labis na nagdulot sa kanilang grupo ng kalituhan.
Nilinaw ni Magno na siya at ang SGC ay hindi tutol sa PUVMP, ngunit ang kanilang kinukuwestiyon ang sistema ng implementasyon ng modernization program.
Binigyang diin ni Magno na sa simula pa lang ang SGC ay sumusuporta sa modernization, gayunman sinabi nito na wala daw naman silang nadaramang sincerity ng mga ahensiyang involved sa naturang programa.
KORTESIYA SA PARADAHAN
Karaniwang senaryo sa paradahan (loading and unloading bay) ng mga pampasaherong sasakyan ang pag-aagawan ng pasahero.
Payo ng mga LTO traffic enforcer na para maiwasan ang away, makabubuting maghintay ng pagkakataon sa paradahan para makapagsakay ng pasahero.
Karaniwang pinag-aawayan ng kapuwa drayber ang pagparada sa mga terminal. Ito ay nakaaakit ng atensiyon ng mga pasahero bagay na nagdudulot sa kanila ng malaking takot.
Iwasan na matakot ang pasahero at maging magkaibigan kayo ng kapuwa drayber ninyo pagkat ito ang inyong hanapbuhay na pinagkukunan ng pambuhay sa pamilya.
PAGKUHA NG PASAHERO
Ayon sa nakapanayam na traffic enforcer, sinabi nito na hindi naman nauubos ang pasahero. Kailangan lamang aniya ang tiyempo, pagkakataon at mayroon tiyak na darating na pasahero.
Hindi magandang ugali sa dalawang drayber ang mag-agawan ng pasahero. Tulad ng namimili, ang mga pasahero ay mayroon ding kalayaan na makapamili ng kung saan sila sasakay.
Iwasan ang makipaggitgitan at makipag-unahan sa pagkuha ng pasahero. Isa ring kagaspangan ang ugaling ito, saad pa ng source.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!