SAN ANDRES TOWN NASA YELLOW ZONE

SAN ANDRES TOWN

QUEZON – HINDI pa rin itinala hanggang sa kasalukuyan bilang “Red Zone”Status ang bayan ng San Andres sa lalawigan ng Quezon ng PNP sa kabila ng magkakasunod na insidente ng pamamaslang sa mga supporter ng dalawang naglalabang politiko sa pagka-alkalde sa naturang lugar.

Matatandaang tatlong insidente na ng pamama­ril sa bayan ng San Andres ang naganap kung saan ay apat ang nasawi kabilang ang isang barangay kagawad at isang pananaksak na namatay din ang biktima.

Ang unang biktima sa pananaksak na si Edigardo Paradero noong Abril at ang apat na nasawi sa bala ay sina Felix Rosales, noong Mayo 1, Jebby Oro Sr. at alyas Lando noong May 4, na umano’y nakipagbarilan sa mga pulis at Brgy. Kagawad Rodini Boot naman ay May 10 na pawang supporter din ng isang politiko roon sa ipinalabas na report ng pulis na ang kagawad ay nilooban bago pinatay.

Sa panayam sa cellphone ng PILIPINO Mirror kay Quezon Acting Provincial Director Police Col.Ramil Montilla,sinabi nito na bagama’t may mga insidente ng pamamaslang sa naturang bayan ay hindi pa nila ito inilalagay sa “Red Zone” Status at nanatiling nasa “Yellow Zone” Status pa rin ang bayan ng San Andres.

Matatandaang una ng inilagay ng PNP sa “Red Zone”Status ang bayan ng General Nakar bago pa man magsimula ang kampanyahan,dahil sa mga sunod-sunod ding insidente ng karahasan sa lugar katulad ng ginawang panununog ng mga heavy equipment ng New People’s Army (NPA) sa isang construction site na gumagawa ng Mini Hydro Dam sa may Brgy.Maragondon.

Samantala nagpalagay naman ng karagdagang puwersa ng mga pulis ang pamunuan ng PNP Region 4A RD BGen.Carranza at QPPO APD Col. Montilla sa apat na distrito ng lalawigan ng Quezon partikular sa bayan ng San Andres at San Narciso upang magbantay at mangalaga sa idaraos na halalan sa buong lalawigan. BONG RIVERA

Comments are closed.