SAN BEDA-MACHATEAM VS KL SA ASIABASKET FINALS

MAGSASAGUPA ang San Beda-Machateam at Kuala Lumpur sa AsiaBasket International Championship finals makaraang mamayani sa kanilang semifinal contests noong Linggo ng gabi sa MABA Stadium sa Malaysian capital.

Unang kinuha ng San Beda-Machateam ang isang puwesto sa championship round makaraang pataubin ang Harimau Malaysia, 83-72.

Sumandal ang San Beda-Machateam sa 22-4 run sa huling bahagi ng second quarter upang kunin ang 41-39 bentahe sa halftime bago lumayo sa kalagitnaan ng fourth quarter sa 18-2 run para sa 83-66 bentahe.

Nanguna si Yukien Andrada para sa San Beda-Machateam na may 23 points, 12 rebounds, 1 assist at 1 steal.

Nagdagdag si Jacob Cortez ng 13 points, 6 rebounds, 4 assists, at 4 steals, habang nag-ambag si Jomel Puno ng 10 points, 3 rebounds, 1 assist, at 3 steals.

Nagbida si Ting Chun Hong sa Harimau Malaysia na may 24 points, 5 rebounds, 3 assists, 1 steal at 1 block.

Sa nightcap, ginapi ng KL ang College of St. Benilde, 90-87.

Abante ang Aseel sa 80-67, may 7:04 ang nalalabi, subalit bumanat ang Blazers ng 16-0 run upang kunin ang 83-80 lead, may dalawa’t kalahating minuto ang nalalabi.

Sumagot ang KL ng 8-0 run, kabilang ang go-ahead three ni Tan Wei Long at clutch free throws nina Louie Sangalang at Soong Kah An para sa 88-83 kalamangan, may 10 segundo ang nalalabi.

Nanguna si Jalen Robinson para sa Aseel na may 29 points, 21 rebounds, 2 assists, 3 blocks, at 2 steals habang nalusutan ang error-prone game kung saan gumawa siya ng 7 turnovers.

Nagdagdag si Sangalang ng 20 points, 10 rebounds, 2 assists, at 1 block, habang nagtala si Wee Yong Gan ng 15 points, 3 rebounds, 1 assist, at 2 steals.

Nanguna si Miggy Corteza para sa Blazers, na nabigong maisaayos ang isang all-National Collegiate Athletic Association finale, na may 24 points, 6 rebounds, 2 assists, 3 blocks, at 1 steal.

Maghaharap ang Harimau Malaysia at CSB sa Martes, alas-5 ng hapon, sa duelo para sa third bago magsalpukan ang KL at San Beda-Machateam para sa korona sa alas-7:30 p.m. ng gabi.