Dahil Mayo 1, at ang diyaryo natin ay isang business tabloid, hindi pwedeng kalimutan ang patron ng mga manggagawa sa Pilipinas na si San Isidro Labrador.
Si San Isidro na isinilang sa Madrid, Spain noong 1070 at namatay noong May 15, 1130 ay isang Kastilang magsasaka na may puso para sa mahihirap at sa mga hayop. Ang tunay niyang pangalan ay Isidro de Merlo y Quintana. Tinawag siyang Isidro Labrador dahil ang ibig sabihin ng labrador sa Kastila ay manggagawa o obrero o trabajador. Mahirap lamang sila ngunit debotong Katoliko ang buong pamilya. Naging asawa niya si Maria de la Cabeza, na sa kalaunan ay naging isa ring santa. Iisa lamang ang kanilang naging anak, at namatay pa ito noong bata pa lamang.
Ayon sa kwento, gumawa ng bukal si San Isidro sa natutuyong lupa. Sa nasabing bukal, nagpatayo ng hermitage si Emperatris Isabel noong 1528 na dedicated kay San Isidro, matapos gumaling si Prinsipe Felipe nang makainom ng tubig na mula dito.
Si San Isidro ang patron ng Madrid, at taon-taon itong ipinagdiriwang sa relihiyosong paraan. Nagsisimula ang fiesta sa bukal, sa pagbebendisyon sa tubig mula sa Fuente de San Isidro.
Noong 1826, pinasimulan ni Father Juan Rico ang pagpapatayo ng isang simbahan. Natagalan umano ag pagpapagawa nito. Natapos na ang pagpapagawa ng lahat ng mga simbahan sa Bulacan, ngunit nakabinbin pa rin ang simbahan ng Puliulan.
Isang malaking pagdiriwang ang Kneeling Carabao Festival sa Pulilan, Bulacan dahil hindi lamang ito basta fiesta.
Ito ay pagpapakita ng ng pakikiisa ng mga tao sa paglikha at pagpapanatili ng kanilang identidad bilang mga magsasaka at mga tunay na mananampalatayang Katoliko.
Kakaiba ang training na ginagawa ng mga magsasaka sa kanilang mga kalabaw upang mapaluhod nila ito at mapalakad ng nakaluhod, bilang pagbibigay-galang kay San Isidro Labrador.
Ito na rin ang itinuturing nilang harvest festival, na nakatutok sa pasasalamat ng mga magsasaka sa kanilang masaganang ani dahil sa matabang lupang kaloob ng Maykapal. Ginagawa nila ang parada sa sentro ng bayan, at ang mga magsasaka, kasama angf kanilang mga kalabao, ay magsasagawaa ng mga relihiyosong ritwal sa harap ng simbahan.
Sa ngayon, pinipilit ng ilan na alisin ang religious aspect ng festival, ngunit napakahirap gawin nito. Ang Kneeling Carabao Festival ay alay kay San Isidro Labrador, isang Katolikong santo at isang magsasaka. Ang mga nagbibigay-galang ay mga magsasaka. Sila mismo ang nakaisip ng pagpapaluhod sa kanilang mga kalabao bilang bahagi ng pagdiriwang, kaya paano maiilihis na isa itong religious activity?
Oo nga at ang presensya ng mga kalabaw bilang “featured performer” ay hindi relihiyoso. Magkagayunman, alam ng lahat ng Filipino na ang kalabaw ang best friend ng magsasaka, at kung walang kalabaw, napakahirap para sa isang magsasaka na araruhin ang kanyang bukirin.
Sa huli, mananalo pa rin ang tunay na kahulugan ng tradisyon dahil nagkakaisa ang mga magsasaka. In the first place, hindi naman sapilitan ang pagsali sa pagpapaluhod ng kalabaw sa harap ng simbahan. Gayunman, saan man paluhurin ng magsasaka ang kanyang kalabaw, iisa pa rin ang kahulugan nito – ang pagbibigay pugay sa isang santong Katoliko na ang panglan ay San Isidro Labrador. JVN