ANG Pamahalaang Lungsod ng San Juan at Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur, ay nagsanib pwersa para sa ikabubuti ng bawat lugar sa pamumuno nina Mayor Francis Zamora at Gov. Jerry Singson, na lumagda sa isang sisterhood agreement kamakalawa na ginanap sa Vigan, Ilocos Sur.
Si Gov. Singson ay syang kinatawan ni Bise Gobernador Ryan Luis Singson.
Bumisita sa Vigan si Mayor Zamora, kasama ang iba pang mga halal na opisyal, kapitan ng barangay, at mga department head ng Pamahalaang Lungsod para sa paglagda sa kasunduan na magsasanib ang dalawang lokal na pamahalaan para sa mas malapit na pagtutulungan sa pamamahala.
Sa pamamagitan ng sisterhood agreement, maibabahagi ng dalawang local government units ang kanilang pag-unlad sa larangan ng turismo, kultura sining agham at teknolohiya; kalakalan, komersiyo at industriya; pagpaplano at pag-unlad ng lungsod; ng palakasan; edukasyon; proteksiyon ng kapaligiran; pampublikong kalusugan; at mga serbisyong panlipunan.
Ang kasunduang ito ay nagpapahiwatig ng kahanga-hangang hakbang tungo sa mas malapit na ugnayan, pakikipagtulungan sa kultura, at isang pinagsamang pangako na lumalampas sa mga hangganan ng geograpiya.
Kasama ang Lungsod ng San Juan, ang ating kapatid na lungsod, naninindigan tayo upang makamit ang magagandang bagay, at sama-samang simulan natin ang isang bagong kabanata ng pag-unlad, pagtutulungan, at pagkakaibigan,” ani Vice Gov. Singson.
“Ako ay nagpapasalamat dahil nabigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng isang sister city agreement sa San Juan at Ilocos Sur. Napakaganda po ng inyong lalawigan at isa pang karangalan para sa amin na makapunta rito at magkaroon ng isang sister city agreement,” ani Mayor Zamora .
Ang Makasaysayang Lungsod ng Vigan ay kinikilala ng UNESCO World Heritage Convention para sa mahusay na pangangalaga ng Spanish Colonial town na itinatag noong ika-16 na siglo.
Noong sinalanta ng Bagyong Egay ang lalawigan ng Ilocos Sur noong Hulyo, isa ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan sa mga LGU na tumugon sa panawagan ng tulong at nagbigay ng tulong pinansyal sa lalawigan. Naging dahilan ito sa pag-uusap ng dalawang LGU na magkaroon ng mas malapit na relasyon sa pamamagitan ng isang sisterhood agreement.
Inimbitahan din ni Mayor Zamora ang Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur na maglagay ng mga booth at selling areas sa Greenhills Mall at sa city hall para matikman ng mga San Juaneño ang mga delicacy at produkto ng Ilocos Sur. Elma Morales