NILAGDAAN ni San Juan City Mayor Francis Zamora at Gumaca, Quezon Mayor Webster Letargo ang isang sisterhood agreement para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan nitong Biyernes sa San Juan City Hall Atrium.
Magkaagapay ang dalawang local government units na magbahagi ng kaalaman at pinakamahusay na kasanayan sa lokal na pamamahala, partikular sa larangan ng turismo, kultura, sining, agham, teknolohiya, kalakalan, komersiyo at industriya, pagpaplano at pag-unlad ng lunsod, pag-unlad ng isports, edukasyon, pangangalaga sa kapaligiran, pampublikong kalusugan at serbisyong panlipunan.
Dumalo rin sa nasabing event sina Cong. Bel Zamora, Vice Mayor Warren Villa, at ang mga konsehal mula sa San Juan City gayundin si Vice Mayor Rico Bañal, mga miyembro ng konseho, at iba pang kinatawan mula sa Munisipyo ng Gumaca, Quezon.
Iniharap ni Mayor Zamora ang pinakamahusay na kasanayan ng San Juan sa iba’t ibang larangan ng pampublikong kalusugan, pagtugon sa COVID-19, edukasyon, kaligtasan at seguridad, turismo, imprastraktura at pagpaplano ng lunsod, kapaligiran, at serbisyong panlipunan.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagdalaw dito sa aming lungsod. Sana po ang mga pinakita namin sa inyo dito ay makatulong sa Gumaca,” ani Mayor Zamora.
Samantala, ibinahagi rin ni Gumaca Mayor Letargo ang mga pinakamahusay na gawi ng kanilang munisipyo lalo na sa kanilang pagtugon sa pandemya, pangangalaga sa pamana, at edukasyon.
“Ang Gumaca ang kauna-unahang munisipalidad na magiging kapatid mong lungsod, maraming salamat.
Napakalaking karangalan nito sa amin. We have much to learn from your city, maraming salamat sa hospitality po ninyo. Napakarami nating pagkakatulad, lalo na sa ating kasaysayan, na itinatag ang Gumaca noong 1582, mga 8 taon lamang ang matanda sa San Juan,” deklara ni Letargo.
Si Letargo at ang natitirang bahagi ng Gumaca contingent ay nasa isang “Lakbay-Aral,” kung saan binisita nila ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan at ang mga barangay nito para alamin ang mga sistema at proseso na maaari rin nilang gamitin sa kanilang munisipyo.
Inilibot din sila ni Mayor Zamora sa Museo El Deposito, Reservoir, Museo ng Katipunan, ang bagong itinayong National Government Center, at ang 22-storey in-rise public city housing. ELMA MORALES