SAN JUAN CITY QUARANTINE FACILITY NAGAGAMIT NA

Mayor Zamora

BINUKSAN na ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang kanilang bagong quarantine facility para sa mga residenteng apektado ng COVID-19.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, tinawag nila itong COVID-19 Kalinga Kontra Korona na tatanggap ng mga pasyenteng hinihinalang nagtataglay ng nasabing virus.

Sinabi ni Zamora, nagawa nilang i-convert ang San Juan Science Highschool building para gawing Quarantine Center katuwang ang Xavier School at ang Xavier School Alumni Association.

Ito aniya ang magsisilbing Isolation area para sa mga Persons Under Investigation (PUI) sa San Juan upang maiwasang kumalat pa ang virus sa lungsod.

Kumpleto sa mga tauhan at kagamitan ang nasabing pasilidad tulad ng mobile x-rays, medical supplies, gamot, pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan ng mga frontliner.

Binigyang diin ni Zamora, patunay ito ng bayanihan ng mga Filipino lalo na sa panahong ito ng krisis kung saan, lahat ay kailangang magtulungan upang labanan ang sakit na dulot ng COVID-19. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM