MABUHAY ang pamahalaan ng San Mateo, Rizal!
Mabuti pa sila at alam nila na hindi kasagutan ang pagpayag ng mga e-bike, tricycle at pedicab na gumamit ng mga pangunahing kalsada sa kanilang bayan.
Matatandaan na ang Land Transportation Office (LTO) ay nagmumuni-muni na iparehistro ang mga e-bike dahil dumadami na raw ang mga bilang nito at nakikita na sa mga pangunahing lansangan. Kaya naman nagtaka ako kung bakit ganito ang pananaw ng liderato ng LTO. Hindi ba dapat ay ipagbawal sila sa mga matrapik na lansangan dahil nga hindi rehistrado ang mga ito? Haaay.
Kaya naman ako ay natuwa sa aksiyon na ginawa ng bayan ng San Mateo at mahigpit na ipinagbabawal simula kahapon ang mga e-bike, tricycle at pedicab na gumamit sa kanilang mga pangunahing lansangan. Ayon sa pamahalaan ng nasabing bayan, hindi na nila kailangan na gumawa ng kautusan sa pagbabawal ng nasabing mga uri ng sasakayan.
Tumalima lamang sila sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpalabas na ng kautusan noong nakaraang buwan ng Disyembre na ipinagbabawal ang mga e-bike, tricycle at pedicab sa lahat ng national road sa buong bansa.
Ang bayan ng San Mateo kasi ay napaliligiran ng tatlong malalaking lungsod. Ang mga ito ay ang Quezon City, Marikina City at Antipolo City. Kaya naman kapag sumapit ang tinatawag na rush hour, masyadong masikip at mabagal ang daloy ng trapiko sa kanilang lugar.
Ayon kanilang municipal administrator na si Henry Desiderio, nag-ugat itong implementasyon ng pagbabawal ng nasabing uri ng mga sasakyan sa rush hour sa pagsapit ng pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho at eskwela. “Mas maraming umaangal. ‘Yung mga pauwi kasi mabagal ang traffic,” dagdag pa ni Desiderio.
Nilinaw rin ni Desiderio na pinapayagan nilang tumawid ang mga e-bike, tricycle at pedicab sa mga pangunahing lansangan ng kanilang bayan. Subalit mahigpit na ipinagbabawal na bumaybay sa nasabing mga kalsada.
Alam ninyo, mahalaga na tayo ay magsakripisyo at unawain ang mga ganitong hakbang para sa ikabubuti ng nakararami. Kung ang mga angal nila ay malayo ang lakbay o pag-ikot nila sa kanilang paroroonan, aba’y kailangan na unawain ninyo ang sitwasyon. Dagdag pa dito ay ang kaligtasan ng mga ganitong uri ng sasakyan kapag nadisgrasya sila ng malalaking sasakyan.
Tulad ng mga ilang pasaway na motorista na sumusubok sa bus lane sa EDSA o kaya naman ay mga nakaparada nang ilegal sa kalsada na sinisita ng ating mga awtoridad, aba’y kayo ang lumalabas na sanhi ng trapik. Huwag natin sisihin o magalit sa ating mga traffic enforcer.
Sa totoo lang ay kapansin-pansin na halos lahat ng mga traffic enforcer ay hindi na nagpapaareglo.
Alam na ninyo ang ibig kong sabihin. Marami tayong napapanood sa social media kung saan nagtangka na magbigay ng pera ang mga nasisitang motorista at tinatanggihan at pinarurusahan.
Saludo ako sa inyo at sa liderato ng inyong ahensiya o lokal na pamahalaan. Harinawa’y sumunod na rin ang lahat ng mga LGU na ipatupad ang kautusan ng DILG sa pagbawal ng mga e-bike, tricycle at pedicab sa mag-national road.
Uulitin ko, Mabuhay ang pamunuan ng San Mateo, Rizal!