PINATAOB ng Converge ang Magnolia, 89-82, upang maisaayos ang quarterfinals series laban sa San Miguel sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Namayani ang FiberXers sa match-up sa pagitan ng dalawang koponan na pareho nang nasa playoffs, subalit hindi pa batid ang makakaharap nila sa quarterfinals.
Nakopo ng Converge ang No. 3 spot sa Group A na may 6-4 kartada, at makakaharap ang second-seeded Beermen mula sa Group B.
Sa pagkatalo ay nahulog ang Hotshots sa 5-5 at fourth place sa quarterfinals, kung saan makakasagupa nito ang Group B No. 1 Rain or Shine.
Nagbuhos si Jalen Jones ng 27 points at kumalawit ng 12 rebounds upang pangunahan ang Converge, na sumandal sa 32-18 third quarter upang makalayo sa laban.
Humabol ang FiberXers makaraang malamangan ng 15 points, 42-27, sa second quarter.
“We chunked off our goals na little parts, first one being making the quarters, and right now, we’ve somehow got that. But it doesn’t end here. Right next is playing the playoffs. Medyo malaking challenge ‘yung San Miguel,” sabi ni Converge coach Franco Atienza.
Nagdagdag si Justin Arana ng 12 points at 12 rebounds, habang nagtala sina Alec Stockton at Schonny Winston ng tig-10 para sa FiberXers.
Nanguna sina Calvin Abueva at Peter Alfaro sa scoring para sa Magnolia na may tig-11 points.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Converge (89) – Jones 27, Arana 12, Winston 10, Stockton 10, Caralipio 9, Santos 8, Andrade 7, Delos Santos 4, Melecio 2, Ambohot 0, Vigan-Fleming 0, Cabagnot 0, Nieto 0, Zaldivar 0, Fornilos 0.
Magnolia (82) – Abueva 11, Alfaro 11, Eriobu 8, Sangalang 8, Balanza 8, Laput 7, Ahanmisi 6, Rice 5, Barroca 5, Mendoza 5, Lucero 2, Reavis 2, Escoto 2, Dionisio 2, Dela Rosa 0.
Quarters: 18-27; 41-50; 73-68; 89-82.