SANG-AYON KA BA SA 4-DAY WORK WEEK?

PINAG-UUSAPAN  ngayon ang pagbabalik ng mga empleyado sa kanilang mga opisina at ang pagpapatupad ng 4-day work week, na siya namang inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang mabawas-bawasan naman ang gastusin ng mga manggagawa sa transportasyon. Napakataas ng presyo ng krudo ngayon dahil sa nagaganap na giyera sa Ukraine at Russia.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), sumusuporta sila sa mungkahi ng NEDA. Maaari umanong magbalangkas ng mga alituntunin tungkol dito ang Civil Service Commission (CSC). Mahalaga lamang umano na hindi maapektuhan ang mga serbisyong pampubliko. Nasa desisyon naman ng mga pribadong kumpanya kung ipapatupad ang 4-day work week sa kani-kanilang mga tanggapan.

May mga bumabatikos sa pagkakaroon ng mahabang oras sa trabaho (sampung oras imbes na walo) sa ilalim ng 4-day work week schedule. Ayon sa kanila, kaya naman umanong magawa ang trabaho sa maiksing panahon kung tututok lamang talaga sa gawain at iiwasan ang mga bagay na nakakasayang ng oras, kagaya ng paglalagi sa social media.

Working smart ang tawag ng ilan dito. Hindi umano kailangan ang napakahabang panahon upang matapos ang mga gawain. Kayang tapusin ang gawaing pang-isang araw sa loob lamang ng ilang oras.

Kailangan lamang talaga ng disiplina.

Ayon mismo sa isang survey na isinagawa ng Milieu Insight sa limang bansa sa Southeast Asia, kasama ang Pilipinas, nito lamang 2022, produktibo lamang ang mga empleyado sa loob ng lima hanggang anim na oras sa isang araw. Anumang higit pa rito ay makaka-apekto na sa konsentrasyon o kalidad ng trabaho ng isang tao.