MAGSASAGAWA ng kaukulang aksiyon si Ian Sangalang laban sa Singaporean businessman na idinawit siya sa umano’y isang game-fixing incident noong 2018 PBA Philippine Cup finals.
Pinabulaanan ng Magnolia big man na kilala niya si Koa Wei Quan, na nahaharap sa 14 graft charges sa State Courts sa Singapore dahil sa pag-impluwensiya sa mga laro sa PBA at sa Thailand Basketball League sa pagitan ng mga buwan ng Abril at Hulyo ng parehong taon.
Sinabi ni Sangalang na hindi niya kilala ang 32-year-old businessman.
Sa report na lumabas sa Singapore-based The Straits Times, inalok umano ni Koa si Sangalang ng suhol na $5,000 para impluwensiyahan ang resulta ng Game 5 ng all-Filipino title series sa pagitan ng Magnolia at San Miguel.
Nagwagi ang Beermen sa laro sa double overtime, 108-99, upang kunin ang kampeonato.
“Hindi ko kilala ‘yung tao na ‘yun. Hindi totoo ‘yun,” pahayag ni Sangalang kay PBA Commissioner Willie Marcial sa kanilang pag-uusap kahapon.
“Hindi ko ipagpapalit ang career at dangal ko sa ganung bagay,” dagdag pa ng soft-spoken veteran center, na binanggit ang pagsasampa ng kaso laban kay Koa.
Sinabi ni Marcial na patuloy na iimbestigahan ng PBA ang usapin.