ISABELA – LABING- ISA katao kabilang ang isang walong buwang gulang na sanggol ang sugatan nang magsalpukan ang dalawang tricycle sa Brgy. Culalabat, Cauayan City.
Naganap ang insidente sa provincial road dakong alas-4:45 ng hapon noong bisperas ng Pasko habang abala ang mga tao sa pamimili.
Kinilala ang mga sugatan na sina Carlos Aluad, 57, magsasaka, at mga sakay nitong sina Margie Aluad, 49; Angel Judith Aluad, 16; Devine Mae Aluad , 10, at John Carlo Aluad, 6, na pawang residente ng Cabisera 17-21, San Rafael, Ilagan City.
Sugatan din ang isa pang tsuper ng tricycle na si Juan Adriano, 36, at mga sakay nitong sina Charmaine Adriano Lumanta, 11; Samuel Castillo, 35; Laila Castillo. 30; Jan Dy Castillo, 8, at walong buwang sanggol na si Jaseia Castillo na pawang residente ng District 3, Cauayan City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na binabagtas umano ng tricycle ni Aluad ang nabanggit na lansangan patungong Barangay Rizal habang patungong kasalungat na direksiyon naman ang tricycle ni Adriano.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bahagyang huminto umano ang sinusundang tricycle ni Adriano kung kaya’t nilampasan umano niya ito subalit hindi nito napansin ang isa pang kasalubong na tricycle kung kayat nagbanggaan ang dalawang magkasalubong ng tricycle.
Dahil nagtamo ng mga sugat at gasgas sa katawan ang mga Aluad at mga sakay nito maging si Adriano at ang mga sakay nito na dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas. IRENE GONZALES
Comments are closed.