SANGGOL NABARIL NG AMA

sanggol

SOUTH COTABATO – MAAGANG sinalubong ni kamatayan ang 6-buwang sanggol na lalaki makaraang tamaan ng bala ng baril na ipinutok ng kanyang ama sa Barangay Lamlahak sa ba­yan ng Lake Sebu, kamakalawa ng hapon.

Namatay habang ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City ang sanggol na si John Rey Uga.

Ayon sa inang si Shai, umuwing senglot ang kanyang mister na si Rudy Uga, 32-anyos, noong Huwebes ng hapon subalit hindi nito nadatnan ang mag-ina.

Kaagad na tinawag ng suspek ang mag-ina na nanonood ng TV sa kanilang kapitbahay.

Gayunman, nagulat na lamang ang misis nang makitang may hawak na baril ang kanyang mister saka ipinutok sa lupa.

Subalit sa kasamaang palad, tinamaan ng bala ng baril sa paa ang kanilang sanggol na kalong ng misis.

Ayon kay Shagi, hindi nagtagal sa pagamutan ay namatay ang sanggol habang ginagamot.

Kasalukuyang pinaghahanap ang suspek para panagutin sa nagawang krimen. MHAR BASCO