SANGGOL PATAY SA KAGAT NG ALUPIHAN

DAVAO DEL SUR -NAKAKALUMO ang sinapit ng isang sanggol na babae matapos na bawian ng buhay dahil sa kagat ng alupihan na pumasok sa kanyang tainga sa Digos City.

Nakilala ang biktima na si Baby Angel, isang taong gulang at residente ng Barangay Ruparon, Digos City.

Nabatid na nadala pa ang biktima sa Digos City Medical Center subalit hindi na rin nailigtas ang kanyang buhay.

Ayon sa tiyuhin ng biktima na nakilalang si Ivan de Leon, napansin nilang iyak ng iyak ang bata at inakala nilang nausog lamang ito kaya’t dinala sa albularyo upang patignan.

Gayunpaman, kahit pa ginamot na ng albularyo ay hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak ang bata hanggang sa mangitim ito.

Dahil dito, nagdesisyon ang pamilya na dalhin sa hospital ang bata at dito ay agad isinailalim sa x-ray at napag-alaman na mayroon centipede o alupihan sa loob ng kanyang tainga.

Napag-alaman din na nakagat na ng alupihan ang bata na siyang dahilan ng pagkasawi nito.

Nakaburol ang sanggol na sa kanilang bahay sa Davao del Sur.

Payo naman ng mga awtoridad sa publiko na maging maingat at mapanuri sa mga nararamdaman ng mga kaanak upang maiwasan na matulad sa sinapit ng bata.
EUNICE CELARIO