TARLAC- TULUYAN nang nai-cremate ang labi ng Mutya ng Pilipinas Pampanga candidate Geneva Lopez matapos na mahukay ang bangkay nito at kanyang Israeli fiancée na si Yitzhak Cohen sa isang liblib na quarry site sa Capas nitong Sabado.
Bago ang cremation ay agad na isinailalim muna sa autopsy at forensic examination ang bangkay ng magkasintahan matapos na ma-recover ang kanilang mga labi sa Barangay Sta. Lucia sa Capas, Tarlac nitong Sabado.
Sinasabing base sa isinagawang medico legal examination ng National Bureau of Investigation, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan sina Lopez at ang kanyang Israeli fiancé na si Yitzhak Cohen.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, tig-dalawang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng mga biktima.
“‘Yung babae ay naka-suffer ng 2 gunshot wounds. Sa likod siya binaril, lumabas sa dibdib. Saka sa kanyang hinti.
‘Yung lalaki naman, ‘yung boyfriend niya, ay 2 tama ng bala rin sa dibdib. Sa harap siya binaril at saka sa parteng kili-kili,” ayon sa ulat na ibinahagi ni Director Santiago.
Agad din ipinag utos na sumailalim sa ballistic examination ang punglo na nakuha sa katawan ng beauty queen na si Lopez.
Nagsagawa na rin ng DNA testing ang SOCO para masiguro ang pagkakakilanlan ng mga natagpuang bangkay.
“But ‘yung family nagpunta na doon. Nakita na ‘yung cadaver, ‘yung suot nilang damit at mga markings tulad ng nunal, scar sa kanilang katawan ay na-identify nila na ‘yun ang kanilang pamilya,” ani Santiago.
“Nagde-decompose na nung natagpuan eh, so kelangan 100 percent kaming sure sa DNA test result natin,” dagdag ni Santiago.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang dalawang suspek na kapwa umano mga dating pulis na nag AWOL.
Nabatid na bukod sa dalawa ay may isang ahente ng lupa at isang person of interest pa ang ini-imbestigahan ng PNP-CIDG.
“Parang land dispute. Mukhang meron tayong matibay na case against sa suspects at ipe-prepare lang ng CIDG at ifa-file na sa Monday ang case,” sabi ni Santiago. VERLIN RUIZ