13 MIYEMBRO NG TAU GAMMA FRAT KINASUHAN

Tau Gamma

KINASUHAN na ang 13 miyembro ng Tau Gamma Fraternity at iba pa na mga out of school youth na sangkot sa panibagong biktima ng hazing sa estudyante ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa Lungsod ng San Pablo.

Sinasabing paglabag sa kasong Anti Hazing Law (RA 8049) ang isinampa ni San Pablo City Chief of Police PLt. Col. Eliseo Bernales sa piskalya laban sa nabanggit na bilang ng mga suspek.

Batay sa isinagawang follow-up ope­ration ni Bernales sa kaso, nakilala ang itinuturong mga suspek na responsable sa naganap na insidente na sina, Kier Martinez, Jholues Baldeo, Shairus Alegado, John Keith Pasco, Mark Anthony Grutas, Kay Averion, Justine Recto, Louel Jay Silang, Jincent Ross Diaz Sotero, Renze Valenzuela, Kyla Nicole Nepomuceno, Kevin Adrian Torrano, at Alfred Suarez, pawang nasa hustong gulang at residente ng Lungsod ng San Pablo.

Pormal na inihain ang naturang kaso kay City Prosecutors office Gamaliel G. Bello laban sa mga suspek sa harap ng tumatayong guardian na tiyahin ng biktima na si Sarah Concordia Castillo, 41, ng Blk 20 Lot 3, Codillera St., Joel Town Subdivision, Brgy. San Rafael, lungsod na ito.

Magugunitang nadiskubre ang insidente habang aktong nasa loob ng fitness room ang biktimang si Jonathan Cabuenos Concordia, 18-anyos, matapos mawalan ito ng malay habang binubuhat ang isang barbell noong Setyembre 23 dakong alas-12:10 ng hapon.

Dahil dito, agarang humingi ng tulong si Concordia kay Joshua Guevarra Pasco, 19-anyos na siyang nagdala sa kanilang klinika at inilipat sa Chinese General Hospital sa Lungsod ng Maynila at patuloy na inoobserbahan. DICK GARAY

Comments are closed.