HINDI maitatanggi na maraming maysakit na Pinoy.
Katunayan, maraming namamatay na hindi nakakatikim ng gamot o maipa-ospital man lang.
Kung tatanungin ang mga eksperto, pangkaraniwan na raw sa isang tao na magkaroon ng tatlong beses na paglalagnat bawat taon.
Trangkaso, sipon, o ubo ang kadalasang dahilan.
Ngunit noong 2020, nang pumasok ang COVID-19 pandemic, nagbago ang lahat.
Kapag may lagnat o trangkaso ka, nag-aalala ang marami at baka nga naman dinapuan ka na ng virus.
Kung ang mga eksperto naman ang tatanungin, ang lagnat ay isang pamamaraan ng katawan para labanan ang impeksiyon.
Pumupunta ang dugo mula sa ating balat at papasok sa mga organo ng katawan kapag may lagnat na nagiging dahilan kaya napupuksa ang mga impeksiyon.
Noong wala pang pandemya, kung may lagnat ka, paracetamol lang ay okey na.
Dapat ding kumain nang sapat at masustansiya.
Hindi rin daw totoo ang kasabihan ng iba na dapat ay hindi ka kakain kapag may lagnat.
Siyempre, kailangan din ng ating katawan ang lakas para labanan ang sakit.
Mainam daw ang lugaw, prutas at gulay para sa may lagnat.
Kasama na rin naman d’yan ang pagtulog at pahinga dahil ito ang nagpapalakas sa katawan.
Ang pinaka-basic sa lahat ay ang pag-inom ng paracetamol tablet o syrup tuwing apat na oras kapag mataas ang lagnat sa 38.5 degrees centigrade.
Kung lampas naman daw sa 39 degrees ang lagnat at masama ang pakiramdam o higit sa tatlong araw ang lagnat ay dapat nang kumonsulta sa doktor.
Gayunman, nitong nakaraang araw, wala nang mabiling paracetamol ang ilang mga kababayan natin dahil nagkakaubusan na raw.
Sa gitna ng pagtaas ng demand ng gamot na ito, tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala raw shortage ng paracetamol at iba pang gamot laban sa flu-like symptoms.
Mahigpit daw na binabantayan ng DOH ang status ng supply ng ilang critical medicines laban sa coronavirus, kabilang ang supportive medicines para sa symptomatic treatment.
Maging ang Unilab ay nagpahayag naman na paraan lang daw nang pagpapabilis ng replenishment ang ginagawa ng mga botika kaya “temporarily out of stock” ang ilang brands nila.
Inamin din naman mismo ni Ms. Jannette Jakosalem, Vice President ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), na dahil sa banta ng Omicron variant at pagdami ng mga nagkakasakit ay pansamantalang nagkakaubusan ng supply sa ilang lugar.
Nawa’y ngayon pa lamang ay kumilos na ang gobyerno.
Dapat agapan ito sa lalong madaling panahon.
Tandaan po natin, bukod sa COVID-19 ay maraming Pinoy ang namamatay araw-araw dahil sa iba’t ibang karamdaman tulad ng sakit sa puso, diabetes, at iba pa.
Karamihan sa kanila, mahihirap na walang kakayahang bumili ng gamot at ngayong may pandemya, lalo silang nahihirapan.
Kung mayroon mang libreng gamot na maaaring puwedeng ipamahagi ang pamahalaan sa pamamagitan ng DOH ay mas maiging gawin ito.
Huwag sanang maulit ang nangyari noong mga nakaraang taon na maraming na-expire na gamot sa bodega ng DOH.
Kung sobra-sobra ang stocks na nasa bodega ng ahensiya, huwag naman itong ipagdamot sa tao.
Mantakin ninyo, kung hindi ako nagkakamali, noong 2020 ay natuklasan na ang halaga ng mga expired na gamot at dental supplies ay P2.2 bilyon.
Dapat din sigurong habulin ang mga posibleng sangkot sa hoarding at overpricing ng gamot tulad ng paracetamopl sa harap naman ng pandemya at pinsalang dulot ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sa panahon ng kalamidad at krisis, hindi dapat nananamantala ang mga negosyante.
Lumaban naman sana sila ng parehas at kung hindi naman ay nararapat lamang na parusahan ang mga mapagsamantalang trader.