(Sangkot sa kasong hazing) 10 MIYEMBRO NG TAU GAMMA NALAMBAT

LAGUNA-TULUYAN nang bumagsak sa kamay ng Laguna PNP Intelligence unit kahapon ang sampung mi­yembro ng Tau Gamma Fraternity na wanted sa naganap na hazing na ikinamatay ng isang 18-anyos na estudyante sa bayang ng Kalayaan sa lalawigang ito.

Sa pahayag ni PCol. Cecilio Ison, Laguna police director, kinilala ang mga nadakip na sina Leo Sandro Dueno, 20-anyos; Paulo Lacaocao, 23-anyos; Kevin Perez, 23-anyos, construction worker; Jervin Caraig, 25-anyos; Osama Sotomayor, 20-anyos; Johndel Ponce, 23-anyos, construction worker; Art Jay Nadal, 19-anyos; Wilson Maestrado, 21-anyos; Kris Jairo Cabisuelas, 25-anyos at Kirby Galero .

Sinabi ni Ison na ang mga suspek ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court branch 28 sa kasong paglabag sa anti- hazing act.

Matatandaan na namatay si Reymarc Rabutazo ng Kalayaan Laguna matapos na dumaan sa isang initiation rites ng Tau Gamma Fraternity na isinagawa sa bulubundukin ng Barangay San Juan kung saan unang napaulat na nalunod ang biktima sa Twin falls resort sa nasabing lugar.

Subalit sa isinagawang autopsy sa bangkay ng biktima nakitaan ang buong katawan nito ng mga pasa at mga namuong dugo dulot ng matitinding palo ng matigas na bagay.

Nitong ika- 4 ng Mayo sina Simeon Rubin Mercado Jr; Richard Dimaano at Vermon Rabutazo , pawang mga opisyal ng Tau Gamma Fraternity ay naunang kinasuhan kaugnay ng naabing insidente. ARMAN CAMBE