(Sangkot sa murder) DEATH PENALTY VS SECURITY PERSONNEL ISUSULONG

UPANG hindi na maulit ang katulad ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo kung saan sangkot ang “security personnel” na sinanay sa paggamit ng mataas na kalibreng baril, itinulak ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na patawan ng parusang kamatayan ang ganitong mga tauhan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa pagpaslang kay Gov. Degamo nitong Lunes, iginiit ni Padilla na kailangan ng mas matinding parusa sa mga nagtaksil sa kanilang sinumpaang ipagtanggol ang taumbayan.

“Malinaw naman po na itong ating mga bayaning sundalo na naligaw ng landas, ito po ay mga nabigyan po ito ng tamang orientation, tamang ideology, tamang pag-iisip, na naligaw, hindi ba po dapat mas matindi ang parusa dito Mahal na Tagapangulo, dahil ito nanumpa sa taumbayan na sila magiging tagapagligtas, tagapagtanggol, at ito ay nakagawa ng krimen,” aniya.

“Siguro po sasang-ayon kayo sa akin na isang taong pinag-aral ng gobyerno, ginastusan ng taumbayan upang siya ay bigyan ng proteksyon ay gagamitin isang araw para magbigay ng isang krimen na gugulatin ang sambayanang Pilipinas at gagamitin niya ang training na ito,” dagdag nito.

Ani Padilla, nararapat ang parusang kamatayan para sa mga “nanumpa pa sa harap ng Panginoong Diyos at sa harap ng bayan, sa harap ng Pilipino na ikaw magiging tagapagtanggol” na tatalikuran ang ganitong panunumpa.

Sumang-ayon kay Padilla si Committee Chairman Ronald dela Rosa.

“Tama ang policy direction mo na binabanggit. I am with you kung mag-file ka ng measure towards that direction, you can expect my full cooperation. I will support you,” aniya.

Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 2042 o “Anti-Scalawag Act” noong Marso 22, kung saan mabibigat na parusa ang naghihintay rin sa mga magre-recruit, gagamit, popondo at magsasanay ng security personnel para pumatay.

“The merciless killings perpetrated by scalawags or individuals who are former or present members of law enforcement agencies or paramilitary forces of the government have been so perverse and repugnant that it gravely threatens our civilized and orderly society. It also puts the good name of our law enforcement agencies to guarantee public safety and security,” ani Padilla sa kanyang panukalang batas.

Nababahala si Padilla sa pagkakasangkot ng dating security personnel sa pagpatay kay Degamo, lalo na’t ang mga pumatay ay pinagkatiwalaan para protektahan ang mamamayan, at sinanay ng pamahalaan.

Dahil dito, ang paggamit ng ganitong “specialized training” para pumatay ay hindi katanggap-tanggap.

Ani Padilla, ang panukalang batas ay magbibigay ng malakas na mensahe na hindi papayag ang gobyerno na gamitin ang “specialized training and skills” para sa kriminal.

Sakop ng panukalang batas ang aktibo at dating tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Coast Guard, government intelligence agencies, at paramilitary forces na sinanay ng pamahalaan.
VICKY CERVALES