(Sangkot sa ‘pastillas’ scheme) BI EXECS, EMPLOYEES SIBAK

Presidential Spokesman Salvador Panelo-5

SINIBAK na sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at empleyado ng Bureau of Immi­ gration (BI) na sangkot sa tinaguriang ‘pastillas’ scheme.

Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ginanap na press briefing kahapon sa Malakanyang.

Ang mga sinibak na tauhan ng BI  ay yaong mga tiwaling tumatanggap ng suhol mula sa mga Chinese para makapasok sa bansa at makapagtrabaho sa Philippine offshore gaming operators (POGOs)

Ayon kay Panelo iti­nuturing ni Pangulong Duterte ang pastillas scheme na pinakamatinding uri ng katiwalian na hindi kukunsintihin ng gobyerno.

”President Rodrigo Roa Duterte has relieved all officials and employees of the Bureau of Immigration who are involved in the latest bribery scheme where they purportedly facilitate the entry into — and exit from — Philippine territory of foreigners working for POGOs for an unauthorized fee” sabi ni Panelo.

As we have repeatedly stressed, there are no sacred cows in this Administration. Any official or employee who commits any wrong in the performance of their respective duties shall be meted out with the punishment that they deserve and in accordance with our penal laws,” giit pa ni Panelo.

Sinabi ni Panelo na may natanggap na report si Pangulong Duterte kaugnay sa pastillas scheme at may nahanap na prima facie o probable cause.

“Nagrereklamo nga eh, may nag-report sa kanya, nagreklamo, and apparently the proof constitutes probable cause. That’s why they were sacked,” dagdag pa ni Panelo.

Samantala, nananatiling ligtas si Immigration Commisioner Jaime Morente sa sibakan.

Ayon kay Panelo huhusgahan si Morente sa susunod na cabinet meeting.

Tiniyak pa ni Panelo na mahaharap sa kaukulang kaso ang mga tauhan ng BI na mapatutuna­yang sangkot sa pastillas scheme.

Base sa imbestigas­yon ang  bawat chinese na papasok sa bansa ay nagbabayad ng libo-li­bong piso sa mga tiwa­ling tauhan ng BI upang malayang makapasok kahit pa ang mga ito ay walang kaukulang mga dokumento.EVELYN QUIROZ

TESTIGO NG SENADO MAY DEATH THREAT

INAMIN ng testigong si Immigration Officer Allison Chiong na may natatanggap siyang death threat mula nang maglabas ng impormas­yon ukol sa bayaran sa Bureau of Immigration (BI) mula sa mga Chinese tourist.

Ito ang inihayag ni Chiong nang humarap ito sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, upang ibunyag ang nangyayaring suhulan para makapasok ang ilang ile­gal na Chinese worker.

Sumalang sa pagdinig si Chiong nang walang anumang takip sa mukha para patunayan ang Pastillas scheme operation na nagaganap sa Ninoy Aquilino International Airport (NAIA) kapalit ng malaking halaga para makapasok sa bansa ang mga Chinese Nationals tourist na kalaunan ay nagiging empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)

Inamin ni Chiong sa pagtatanong ni Hontiveros na siya ang kumuha ng video na una nang naipakita sa Senate inquiry noong nakaraang linggo.

Sa salaysay nito, umaabot daw sa P10,000 ang bayaran para makapasok nang walang kahirap-hirap ang mga turistang Tsino.

Tinatawag umano itong Pastillas operation dahil ang perang ibinibigay ng mga Tsino ay na­kabalot na parang pastillas upang huwag ng kuwestiyunin kahit tourist documents lamang ang hawak na sa kalaunan ay magtatrabaho bilang gaming operators.

Naniniwala si Chiong na maraming nagalit sa kanya at nag-aalala rin ito sa kanyang pamilya na maaaring madamay dahil sa naturang pagbubunyag  bukod sa inaasahan nito na wala na siyang babalikan.

Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na ipapasok ng komite sa Witness Protection Program (WPP) si Chiong at matapos ang pagdinig ang Department of Justice (DOJ) na ang magbibigay ng proteksiyon sa nasabing testigo.

Gayundin sa natu­rang pagdinig, binanggit ni Chiong sa komite ang mga sangkot sa sindikato sa BI na sina Totoy Magbuhos, Deon Albao alyas Nancy, Paul Borja alyas Liza, Anthony Lopez alyas Al, at Dennis Robles na alyas DR.

Binangggit din nito ang ilang mga dating immigration officer na kabilang din sa Pastillas scheme kahit wala na sila sa burukrasya na sina Bien Guevara, Glenn Cornia at Den Binsol. VICKY CERVALES

Comments are closed.