‘SANGLA ATM’ DELIKADO

atm card.jpg

BINALAAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko hinggil sa talamak na paggamit ng automated teller machine (ATM) cards bilang loan collateral.

Sa datos ng BSP,  umaabot sa 39.9 percent ng mga Filipino na karamihan ay mga mangagawa ang ginagamit ang kanilang ATM cards bilang ko-lateral sa pangungutang, na mas kilala sa tawag na ‘Sangla ATM’.

Sa isang advisory, hinimok ng central bank ang publiko na huwag pumasok sa ‘Sangla ATM’ dahil malaki ang posibilidad ng panganib at pang-aabuso sa naturang sistema.

Nabatid na ang nasabing scheme ay ginagamit ng mga loan shark at loan financier sa pagpapautang sa mga empleyado ng pamahalaan, gayundin sa  mga pribadong kompanya.

Ayon sa BSP, ang ‘Sangla ATM’ ay naglalantad sa pagkakakilanlan ng may-ari ng ATM na maaaring magresulta sa hindi awtorisadong paggamit ng personal data, hindi awto­risadong ATM withdrawals at maging paggamit ng personal data sa mga mapanloko at kriminal na gawain.

Inabisuhan din ng  BSP ang mga  financial institution na huwag gamitin ang ATM ng kanilang mga borrower bilang loan collateral.

Ayon sa central bank, dapat magsagawa ang lenders ng tamang credit underwriting at assessment sa creditworthiness ng mga borrower upang maiwasan ang sistemang sangla ATM card na lantad sa  mga panganib.       VERLIN RUIZ

Comments are closed.