SANGLEY AIRPORT MINAMADALI NA

SANGLEY AIRPORT-2

NAGKUKUMAHOG  ang Unimasters Conglomeration Inc. upang matapos ang renobasyon ng Sangley Airport sa Cavite at makaabot sa itinakdang November deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade, natapos na ang asphalt overlay ng runway, at kasalukuyang nakatuon ang naturang kontratista sa konstruksiyon ng passengers terminal building, drainage system at hangars .

Sinabi pa ni Tugade na maglalagay rin ang pamahalaan ng landing berth para sa ferry operations na gagamitin sa pag-transport sa mga pasahero    papunta sa Sangley Airport, at ang Philippine Navy, aniya, ang mangangasiwa rito.

Pinag-aaralan din ng pamahalaan na maglagay ng point to point (P2P) bus na maghahatid ng mga pasahero mula sa Ninoy Aquino International Air-port patungong Sangley Airport.

Nakipagpulong na rin ang kalihim sa mga kinatawan ng Philippine Airlines (PAL) , Cebu Pacific at Air Asia para gamitin ng mga ito ang Sangley Airport para sa general aviation,  freight turboprop operations at commercial turboprop operations.

Ang general aviation ay ang operasyon ng civil aircraft bukod sa commercial air transport.

Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, ang hakbang ay magpapaluwag sa apat na terminals ng NAIA.

Bilang pagsunod sa itinakdang deadline ni Pangulong Duterte,  ginawang 24/7 ang construction operations sa naturang airport, at nagtalaga ang  kontraktor ng karagdagang manpower at equipment para matapos ito sa lalong madaling panahon. FROILAN MORALLOS