BIGYAN ng prayoridad ang sanitasyon at kalusugan.
Ito ang apela ng mga opisyal ng Department of Health (DOH ) at ng Unicef sa mga local government units (LGUs), kasabay ng pagdiriwang ng World Toilet Day Celebration na idinaos sa Baseco, Tondo, Manila kahapon.
Sa nasabing okasyon ay inilunsad na rin ng DOH ang dalawang polisiya para mapaigi ang sanitasyon sa bansa, na kinabibilangan na ng implementasyon ng Guidelines sa Philippine Approach to Sustainable Sanitation (PhATSS) at ang National Standards on the Design, Construction, Operation and Maintenance of Septic Tank Systems.
Nabatid na target ng bagong polisiya sa sanitasyon ang lahat ng barangay sa bansa upang makamit ang Zero Open Defecation (ZOD) status sa 2025.
Sa datos, natukoy na noong 2018, may kabuuang 4,625 (11%) ng lahat ng barangay sa bansa ay nasertipikahan bilang ZOD.
Habang noong 2017, Annual Poverty Indicators Survey, mayroon pang 6% ng mga Filipino ang walang toilet.
Sa naturang aktibidad sa Baseco, ipinaliwanag naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang kahalagahan ng paggamit ng toilet at paghuhugas ng mga kamay matapos na gumamit ng palikuran at bago kumain para mapigilan na mahawa ng polio virus at iba pang sakit.
Aniya, bukod sa bakuna, tamang sanitasyon ang isang mabisang pamamaraan upang maiwasan na mahawa ng mga sakit gaya ng polio. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.