MAGUINDANAO – NASAMSAM ng militar ang bulto ng pampasabog, matataas na kalibre ng baril na may kasama pang mga drug paraphernalia sa Brgy. Bentan, Talitay.
Ayon kay Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, ang mga nasamsam na war materials ay mula sa mga nag-aaway na angkan sa Talitay.
Nagsagawa ng military operations ang mga elemento ng 90th Infantry Battalion at 61st Division Reconnaissance Company matapos na magkaputukan ang dalawang magkalabang angkan.
Nabatid na matapos ang eleksiyon ay nagkaroon ng armadong sagupaan sa pagitan nina vice mayoralty candidates Montasir Sabal at Suraida Ameril na sinasabing kapwa may private armed groups.
Daan-daang residente ang napilitang lumikas nang magsimulang magpalitan ng putok nang dalawang pangkat kaya agad na nakialam ang militar kasabay ng bantang bobombahin ang kanilang mga posisyon kung hindi titigil.
Pinasok ng JTF Central troopers ang area makaraang magtago sa may Liguasan Marsh ang mga nag-aaway at agad na nagsagawa ng clearing operations ang military.
Sa kasagsagan ng ginagawang clearing sa area, na-recover ng mga tauhan ng Philippine Army ang isang M16 rifle, apat na M653 rifles, dalawang M203 rifles, dalawang M14 rifles, isang M79 rifle, isang Garrand rifle, dalawang Thomson, isang Carbine, isang homemade shotgun, 1 KG9 Luger, isang 60mm mortar, 1 Baofing Radio, 15 pcs large plastic drums na hinihinalang anti-personnel mine, 12 PVC anti-personnel mine at apat na hand grenades. VERLIN RUIZ
Comments are closed.