SANTO NIÑO, NARINIG MO RIN ANG HILING KO

Santo Niño

PIYESTA ng Santo Niño ang itinuturing na pinakamalaking religious celebration sa bansa dahil sa dami ng mga bayang nagdiriwang nito sa buwan ng Enero. Ang antigo at milgrosong imahen ng kilalang Santo Niño of Cebu ay masasabing pinakakilala na rin sa bansa, lalo pa sa mga mananampalataya.

Hindi maitatanggi ang napakaraming milagrong dahil umano sa kapangyarihan ng Santo Niño – ang batang Jesus. Matagal na umano nitong ipinagkakaloob ang mga kahilingan ng mga Bisaya –bago pa umano dumating si Miguel Lopez de Legazpi. Kung itatala sa isang aklat ang mga milagro ng Santo Niño, magiging napakakapal umano ng aklat na ito.

Ayon sa mga tala, sa loob ng 100 taon, 50 ulit lamang inilabas sa simbahan ang imahen ng Santo Niño – at iyon ay sa mga espesyal lamang na pagkakataon tulad ng kapag nagkakaroon ng peste, tagtuyot, malawakang sunog o kagutuman. Dinarayo umano ito ng napakaraming tao sa mismo nitong tahanan, kaya hindi ito puwedeng ilabas ng matagal.

Pinatunayan ng mga mananampalataya ang mga naganap na milag­ro sa kanila. Gumaling ang kanser, nakaahon sa paghihirap, nakapasa sa board exams, nanalo sa mga paligsahan at kung ano-ano pa ang mga milagrong ipinagkakaloob umano ng Santo Niño. Ito umano ang ilan sa mga dahilan kaya kahit noong panahon ni Lapu-lapu ay madaling nakumbinsi ang mga orihinal na Filipino na naniniwala sa mga anito, na magpalit ng pananampalataya sa Romano Catolico.

Iginagalang at sinasamba ng marami ang maliit na imahen ng Santo Niño, hindi lamang ng mga Cebuano kundi ng napakaraming Filipino sa buong bansa at sa mga karatig na bansa. Dumarayo pa sa Filipinas ang ilang foreigners na umaasang malulunasan ang kanilang mga sakit na tinanggihan na ng ospital. Ilan sa kanila ang bumabalik upang sabi­hing natupad ang kanilang kahilingan – patunay na milagroso ang imahe ng Santo Niño de Cebu.

Tinatayang nakara­ting ang imahe ng Santo Niño sa Cebu 40 taon ang pagitan sa pagkadiskubre ni Ferdinand Magellan sa Filipinas ngunit walang nakatala nito sa ating kasaysayan. Naging takbuhan umano ng mga tao ang Señor Santo Niño ng mga Cebuano sa panahon ng kanilang mga problema, kaya nakagawian na nilang manalangin dito na parang isa sa kanilang mga anito. Unang naging mga Catolico si na Rajah Humabon at Jara Juana ng Cebu, kasama na ang kanilang mga nasasakupan.

Nang mapatay ni Lapu-lapu si Magellan sa isang sagupaan, na­ging suspetyoso ang mga Cebuano na gaganti ang mga Español sa kanila, kaya nagkaroong muli ng sagupaan, kung saan nanalo ang mga Kastila dahil sa kanilang mga baril at kanyon. Napilitan ang mga orihinal na Filipino na lumikas sa kabundukan matapos sunugin ng mga Kastila ang kanilang balangay (village). Ngunit sa ilalim ng abong nasunog na balangay ay natagpuan ang imahe ng Batang Jesus na nakatago sa loob ng isang kahong yari sa kahoy.

Ang nasabing imahe ay pag-aari umano ni Jara Juana na iniregalo sa kanya ni Pigaffeta nang siya ay binyagan. Ang nasabing imahe ay nananatili ngayon sa Basilica Minor del Santo Niño na naging paboritong puntahan ng mga namamanata taon-taon. Sa loob ng mahigit 450 taon, nananatili ang pagpapakita ng milagro ng Santo Niño, kaya bilang pasasalamat, ang bawat ikatlong Linggo ng Enero ay ipinagdiriwang sa Cebu, Binondo, Pandacan, Nasugbu, at iba pang bayan bilang kapistahan ng Santo Niño. Milyong katao ang nagsasagawa ng pagdiriwang bilang pagkilala sa Mahal na Poong Santo Niño, partikular sa Cebu.

Lalo pang tumibay ang paniniwala ng mga deboto nang bagsakan ng bomba ng mga Hapon ang simbahan, ngunit hindi man lamang nagalusan ang imahe ng Santo Niño. Isa umano ito sa napakaraming milagrong ginawa ng banal na imahe.

Ngayon nalalapit na naman ang kanyang kapistahan, may paniniwalang dapat kang humiling sa Santo Niño sa pagitan ng Sabado at Linggo ng kanyang kapistahan sa harap mismo ng imahe upang matupad ito. Ako man ay hihiling din, at sana kayo rin. Walang mawawala kung maniniwala tayo sa himala, kahit pa nga ang sabi ni Nora Aunor ay “Walang himala! Ang himala ay nasa puso natin!” Viva Pit Santo Niño! ni NENET L. VILLAFANIA Mga kuha ni RUDY ESPERAS

Comments are closed.