SANTO PAPA PABOR SA DEBT PAYMENT MORATORIUM

POPE FRANCIS

KABILANG si Pope Francis sa mga nananawagang ipagpaliban muna ng Filipinas  ang pagbabayad sa mga pagkakautang nito bunga na rin ng kinakaharap na malaking problema dahil sa COVID-19.

Ayon kay Senadora Imee Marcos, hindi lamang ang Simbahang Katolika na pinamumunuan ni Pope Francis ang pabor sa debt payment moratorium,  kundi pati na rin ang mga mayayamang bansa at malalaking institusyon sa pagpapautang dahil sa nangyayaring pandaigdigang krisis.

Lumalabas na salungat o kontra sa paniniwala ni Finace Secretary Carlos Dominguez III ang posisyon ng Santo Papa  sa usapin sa debt payment moratorium.

“Ang hinihingi lang natin ay i-delay ang pagbabayad ng ating utang.  Wala tayong susubain at hindi natin tatakasan ang ating obligasyon. Magbabayad din tayo. Hindi ba maintindihan ni Secretary Dominguez yan?” ani Marcos.

Nilinaw ng senadora na ang panawagan ng International Monetary Fund, World Bank at Asian Development Bank na magpatupad ng debt moratuium sa 75 bansang mahihirap ay kabilang ang Filipinas.

“Mismong si Pope Francis ang nagsabing sana ay makita nila sa kanilang mga puso na ipagpaliban muna ang utang o kung hindi man ay bawasan o tuluyang kalimutan na ang ipinahiram sa mahihirap na bansa,” ayon pa kay Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na mismong ang IMF ay naniniwala na may reputasyon ang ahensiya na magpatupad ng mahigpit na kondisyon sa mga bansa na humihiling ng moratorium.  Pero ngayon dahil sa sitwasyon, hiling lang ng IMF ay bayaran ang mga doctor at nurse, at siguraduhin na maayos na gumagana ang health system, at kayang proteksiyunan higit sa lahat ang mga taong magkakasakit.

Binigyang-diin din ni Marcos na nakahanda siyang makipagpulong kay Dominguez at ipaliwang nang mabuti ang kanyang posisyon hinggil sa debt payment  moratoruim at kung papaano ito makatutulong sa bansa na kasalukuyang humaharap sa napakabigat na krisis dulot ng COVID-19. VICKY CERVALES

Comments are closed.