AYON sa datos na naipahayag sa lathalain mula sa water.org, siyam na milyon sa isang daan at isang milyong Filipino ang nagtitiis sa hindi malinis na inuming tubig.
Bunsod nito, sari-saring karamdaman tulad ng diarrhea, cholera, amoebiasis, typhoid at dysentery ang nagpapahina sa ating mga kababayan at madalas na nagiging sanhi ng kanilang kamatayan. Nakalulungkot isipin na ang tubig na dapat sana’y magdurugtong pa ng buhay ay siyang nagiging sanhi ng pagkawala nito. Sa patuloy na pagdami ng populasyon ng ating bansa, makasisiguro pa kaya tayong mga Filipino ng kasapatan at kalinisan ng tubig sa hinaharap?
Ang tubig ay buhay. Ang ating katawan ay tinatayang limampung porsiyento hanggang pitumpu’t limang porsiyentong tubig. Tulad ng pagkain, isa ito sa mga pangunahing pangangailangan ng tao upang mapanatili ang lakas, lusog at sigla ng katawan. Kritikal din sa pag-unlad ang paggamit ng tubig. Sa agrikultura, lubhang kailangan ang sapat na suplay ng tubig sa pagtatanim at pangangalaga sa mga produktong agrikultural. Gayundin, ang pagdami ng mga industriya ay may kaakibat na dagdag na pangangailangan sa tubig. At tulad ng atin nang nabanggit, ang pag-akyat ng bilang ng mga tao, lalong-lalo na sa urban areas ay nagpapataas din ng domestic o lokal na pangangailangan sa tubig.
Bagama’t ayon sa datos ng UNICEF ay 91% ng populasyon sa Filipinas ang may pinagkukunan ng basic water services, nananatiling isang hamon ang kasapatan ng mga pinagkukunan na tubig sa bansa at ang kakayanan ng mga yamang tubig na ito na tustusan ang mabilis na pag-akyat ng pangangailangan sa tubig na kaakibat ng industriyalisasyon at paglobo ng populasyon. Dagdag pa rito, malaking hamon din ang pagkawasak ng ating mga yamang tubig dahil sa polusyon at reclamation. Nakababahala ang banta na maaaring maidulot ng kakulangan sa tubig sa pag-unlad at kalusugan ng mga Filipino.
Ang pagbalangkas ng Department of Water Resources Management na kahalintulad ng mga ahensiyang nasa Vietnam, Thailand at China na siyang mangangasiwa at maniniguro ng kasapatan ng tubig at sustainability ng pinagkukunan nito, ay isang mungkahing nais kong isulong. Makatutulong ang nasabing ahensiya upang mapagtuunan ng higit na atensiyon ang kalidad ng inuming tubig sa bansa, ang kasalukuyang lagay ng ating mga pinagkukunang-tubig at ang mga pamamaraan upang higit pang masiguro ang kasaganaan ng tubig para sa mga darating na panahon.
Sa pagtahak natin sa landas ng pag-unlad, nararapat lamang marahil na isaalang-alang sa paggawa ng mga batas o sa pag-amyenda sa mga ito ang mga pre-emptive measure hindi lamang upang masiguro ang kalinisan ng tubig ng mga Filipino kundi maging ang sustainability ng mga pinagkukunan nito.
Comments are closed.