SAPAT NA BILANG NG ASSESSORS PARA SA CERTIFICATION NG SHS GRADUATES PINATITIYAK

KASUNOD ng inaasahang pagpapatupad ng libreng assessment at certification ng mga senior high school graduate sa ilalim ng technical-vocational livelihood (TVL) track, pinatitiyak ni Senador Win Gatchalian sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga assessor para sa naturang programa.

Matatandaang inilabas ng Department of Education (DepED) at TESDA ang joint guidelines para sa libreng assessment at certifcation ng mga senior high school graduate.

Sa ilalim ng 2024 national budget, mahigit P438 milyon ang inilaan sa TESDA Regulatory Program para sa certification ng mahigit 400,000 mag-aaral sa Grade 12.

Nakalaan din sa 2024 national budget ang P50.012 milyon upang magdagdag ng 11,000 assessors sa TESDA.

Inaasahang sa pagtatapos ng 2024, magiging holos triple na ang bilang ng mga assessor sa 19,000 mula 7,551.

“Magandang balita para sa mga senior high school graduates natin sa tech-voc track na libre na ang assessment at certification para sa kanila. Mahalagang hakbang ito upang tumaas ang tsansa nilang magkaroon ng magandang trabaho kapag sila’y nakatapos na,” sabi ni Gatchalian, na nagpanukala ng pondo para sa libreng assessment at certification.

“Kasabay nito, dadagdagan natin ang bilang ng ating mga assessors sa TESDA. Kaya naman naglaan tayo ng pondo upang matiyak na may sapat tayong mga assessor para sa pagpapatupad ng libreng assessment sa mga senior high school graduates sa tech-voc,” dagdag pa ng senador.
VICKY CERVALES