NANAWAGAN si Senador Bam Aquino na tiyaking may sapat na pondo ang implementasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) para matiyak na matutupad nito ang mandatong maghatid ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.
“Dapat tiyakin na sapat at hindi kulang ang suporta para sa BOL,” ani Aquino, co-author at co-sponsor ng BOL.
“Ang tagal na nitong pinangarap at inilaban ng mga kapatid nating Moro. Dapat hindi mabinbin ang transition dahil sa kakulangan ng budget,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng Republic Act 11054 o ng Bangsamoro Organic Law, itinakda ang paglilipat ng kasalukuyang pondo mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) tungo sa Bangsamoro Transition Authority.
Anang senador, hindi sapat ang pondo ng ARMM para sa 2019 na P31.1 bilyon dahil nasa P59 bilyon ang kailangan ng BOL.
Naglaan ang bersiyon ng Senado ng dagdag na P30 bilyon sa 2019 budget para sa BOL na inaasahang makalulusot sa bicameral conference committee.
At kung magkakaroon ng re-enacted budget para sa 2019, maaaring maglabas ang Pangulo ng supplemental budget na kailangan munang sertipikahan ng Treasurer of the Philippines na mayroong sapat na pondo.
“Sayang naman kung hindi natin bibigyan ng tamang pondo ang BOL. Itodo na natin ang suporta upang maabot na ng mga kababayan natin sa Mindanao ang inaasam nilang kapayapaan at kaunlaran,” giit ni Aquino.
“Kinakailangan ang sapat na budget para makalikha ng iba’t ibang trabaho para sa mga kababayan natin doon,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.