SAPAT NA PONDO SA ROAD REHAB

SEN IMEE MARCOS

ISUSULONG ni Senadora Imee Marcos na mapondohan nang maayos ang ­konstruksiyon, rehabilitasyon at maintenance ng mga kalsada sa mga lalawigan upang maitulak ang programa sa poverty reduction.

Sa Senate Bill 224 na kanyang inihain, sinusugan ng senadora na maisabatas ang Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP) na programa ng Department of the Interior and Local Government (DILG)  para sa mga kalsada sa mga lalawigan.

Ayon kay Marcos, kapos ang P10 milyong nakalaang pondo ng national government sa mga kalsada sa bawat local government unit (LGU) kung saan kalahati lang, aniya, ito ng halaga ng repair ng isang kilometrong sementadong kalsada sa mga lalawigan.

Aniya, nabubulok at naiiwang nakatiwangwang sa loob ng 20 taon ang local roads dahil sa kakapusan ng pondo.

Binigyang-diin ni Marcos na kung may sapat at tamang pondo ay tiyak na mapabibilis ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko at ang paghahatid ng mga produktong pangkalakalan at agrikultura, pati na rin ang paglaganap ng turismo.    VICKY CERVALES