SAPAT NA SUPPLY NG LECHON SA KAPASKUHAN TINIYAK

Sa kabila ng takot sa African Swine Fever (ASF), tiniyak na magkakaroon ng sapat na karne ng baboy, lalo na ang  lechon sa Kapaskuhan.

Ito ang pahayag ng opisyal ng National Meat Inspection Service (NMIS).

Sinabi ni Hannah Lou Ejercito, meat ins­pector at consumer protection head ng NMIS-7 (Central Visayas), na ang mga mamimili ng karne ay maaaring umasa ng sapat na supply sa panahon ngayong holydays kasunod ng pagsisikap ng ahensya na paigtingin ang sistema ng sertipikasyon para sa lokal na karneng kinakatay.

“Here in NMIS, we can assure you there will be an available supply of meat on Christmas. As the holiday nears, inspection will ensure the meat slaughtered and offered for sale in the market are fit for human consumption,” sabi ni Ejercito.

Tinitiyak ng field office ng NMIS-7 na ang karneng inihahatid sa merkado ay nagmula sa mga akreditadong nagbebenta, sumailalim sa inspeksyon at ipinasa para sa sertipikasyon.

Hinikayat niya ang mga mamimili na maging mapagbantay sa pagbili ng karne at huwag mag-atubiling humingi ng sertipikasyon sa mga nagbebenta.

Samantala, pinaalalahanan naman ng Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF) dito ang mga nagbebenta at handler na regular na kumuha ng permit mula sa lungsod ng Cebu, lalo na sa kanilang mga empleyado at para sa mga produktong kanilang ibinebenta upang maiwasang matanong.

Regular na sinusuri ng Regulatory Section ng DVMF ang mga wet market at supermarket para matiyak ang wastong dokumentasyon.

Ang DVMF ay nagsasagawa ng mga inspeksyon sa tatlong proseso: ante mortem, post mortem at post abattoir.

Ang mga meat ins­pector ay bumibisita sa mga abattoir at slaughterhouse para sa ante-mortem inspection upang matukoy kung ang mga alagang itinakda nilang iproseso ay angkop para sa pagkain ng tao.

Ang mga operator ay kinakailangang magbigay ng health certificate, mga sertipiko ng transportasyon ng mga hayop, at iba pang mga sertipikasyon upang ipakita na ang mga inihatid na hayop ay malusog.

Sinusuri ng mga meat inspector ng DVMF sa post-mortem inspection kung ang hayop ay may mga sakit na hindi matukoy habang nabubuhay pa.

(PNA)