NANAWAGAN si Agriculture Secretary William Dar sa publiko na iwasang mag-panic buying kasabay ng pagtiyak na may sapat na supply ng pagkain sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, kasama ang Metro Manila.
“Buying more food than what we require deprives others, thus causing an artificial shortage and price spikes,” wika ni Dar sa isang statement noong Sabado.
“Our inventory for basic food commodities, particularly rice, shows that we have more than enough supply that will last for more than the next three months,” aniya.
Sa datos mula sa Philippine Integrated Rice Program ng DA ay lumitaw na hanggang nitong Enero 8, ang supply ng bigas ng bansa ay sapat para sa susunod na 115 araw. Tatagal ito hanggang sa susunod na anihan sa Abril.
Tiniyak din ng DA ang sapat na supply ng lowland at highland vegetables, na kasalukuyang nasa 85 percent at 107 percent sufficiency level, ayon sa pagkakasunod.
Nanawagan din ang agri chief sa local government units na tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng pagkain at agricultural inputs sa at mula sa production at consumption areas, partikular yaong mga naapektuhan ng bagyong Odette.
Binigyang-diin niya na hindi dapat magkaroon ng “unnecessary restrictions” sa paggalaw ng mga produkto, serbisyo at tao.
“We will see to it that food supply lines are kept open, in partnership with the LGUs (local government units), and ensure continuous delivery of major food items and temper prices,” dagdag ni Dar.